CAVITE – Patay ang isang 38-anyos na hinihinalang tulak ng ilegal na droga nang manlaban sa awtoridad sa isinagawang buy-bust operation sa bayan ng Naic sa lalawigang ito, nitong Martes ng madaling araw.
Kinilala ang suspek na si Larry Miranda, binata, ng Freedomville, Brgy. Bucana Sasahan, Naic, Cavite.
Ayon sa ulat ni Pat. John Arlan Quimilat ng Naic Police, dakong alas-12:35 noong Martes ng madaling araw nang magkasa ng buy-bust operation ang mga operatiba ng Drug Enforcement Unit (DEU) ng Naic MPS sa Freedomville, Brgy. Bucana, Sasahan, Naic, kung saan target ang suspek.
Gayunman ay nakahalata ang suspek na pulis ang katransaksyon kaya pinaputukan nito ang awtoridad ngunit nagmintis.
Bunsod nito, gumanti ng putok ang pulis na nagresulta sa pagkamatay ng suspek.
Nakuha sa suspek ang .38 kalibreng baril at isang sachet ng umano’y shabu. (SIGFRED ADSUARA)
