SUNTUKAN NG KAPITAN AT TRIKE DRIVER HULI SA CCTV

NAHULI sa camera ang pagsusuntukan ng isang kapitan ng barangay at ng sinita nitong tricycle driver sa Sariaya, Quezon nitong Martes ng umaga.

Base sa kuha ng CCTV ng Barangay 6, Sariaya, nakitang nagsusuntukan ang dalawan

g lalaki kung saan nakilala ang isa na si Richard Pasumbal, 42-anyos ng Barangay Poblacion 6 habang ang kasuntukan nito ay si Bryan Baladad.

Nangyari ang insidente sa Kasadya Street, Brgy. Poblacion 6 hindi kalayuan sa bahay ni Baladad.

Makikita sa video na nilapitan ng kapitan ang nakaupo sa kanyang nakaparadang tricycle na si Baladad.

Nagtalo ang dalawa hanggang sa mauwi sa suntukan.

Sa report ng Sariaya police batay sa reklamo ni Pasumbal, sinisita niya si Baladad dahil sa pagpaparada ng tricycle nito sa kalye na ipinagbabawal sa kanilang barangay.

Nagmatigas daw si Baladad kaya sila nagkainitan.

Una raw siyang sinuntok ni Baladad at gumanti lamang siya para ipagtanggol ang sarili.

Pero sa kuha ng CCTV, makikita na kinadyot muna ng kapitan ang driver kaya sumugod ito.

Hanggang sa tumakbo ang driver na hinabol pa ng kapitan.

Nang hindi maabutan, pinagbalingan nito ang tricycle at kinuha ang susi at saka umalis.

Pero bumalik ang kapitan at binasag ang salamin ng tricycle at saka pinuntahan ang hindi kalayuang bahay ng driver.

Tila nagsisigaw ito at hinahamong lumabas ang driver at nagbunot pa ito ng baril.

Ayon kay Pasumbal, tinakot lamang niya si Baladad kaya siya nagbunot ng baril.

Nagsampa si Pasumbal ng kasong Oral Defamation and Direct Assault laban kay Baladad. Magsasampa naman ng pormal na reklamo sa DILG ang tricycle driver dahil sa pananakot ng kapitan at pagsira sa kanyang tricycle. (NILOU DEL CARMEN)

307

Related posts

Leave a Comment