Payo ng solon, mapa ng Pilipinas pag-aralan ROQUE SUPALPAL NA NAMAN

SUPALPAL na naman si Presidential spokesman Harry Roque Jr. matapos palagan ni Department of Foreign Affairs Secretary Teodoro Locsin Jr. ang kanyang mga pahayag kaugnay sa Julian Felipe Reef.

“This is my last warning. When it comes to foreign affairs the Department of Foreign Affairs has the exclusive remit.”

Ito ang iginiit ni Locsin matapos sabihin ni Roque na ang Julian Felipe Reef ay lampas sa exclusive economic zone (EEZ) ng Pilipinas.

Nag-react din si Locsin sa naging tweet ni UP Law Professor Jay Batongbacal gamit ang pahayag ni Sec. Roque na ang Julian Felipe Reef ay malayo at nasa labas ng EEZ ng bansa.

“My God just came in on a very early flight; all this was settled last night: somebody dropped the ball of possession; later he picked up the paper of maritime features not generating their own EEZ just in case we drop the ball of possession yet again and lose our EEZ. Now this?” ayon kay Locsin.

“I don’t come from diplomacy; I come from a life that settled the hash of a lotta people who talked tough and ended up biting dirt. I don’t talk, I deal,” dagdag na pahayag nito.

Sina Locsin at Sec. Roque ay kapwa kasama ni Pangulong Rodrigo Roa Duterte sa kanyang Talk To The People, Lunes ng gabi kung saan tinalakay ng mga opisyal kung paano nawala sa possession ng Pilipinas ang Scarborough Shoal sa ilalim ng Aquino administration.

Hinggil naman sa Julian Felipe Reef, naghain na ang DFA noong Abril ng protesta at nagpalabas ng kalatas laban sa paglaganap ng Chinese vessels sa nasabing lugar.

Ang reef, ani Locsin ay nasa Kalayaan group at nasa looob ng EEZ.

Sa ulat, sa kabila ng mga diplomatikong protesta na inihain ng Department of Foreign Affairs laban sa China kaugnay sa mga barko ng huli sa Julian Felipe Reef, sinabi nitong Martes ni Sec. Roque na hindi sakop ng Pilipinas ang naturang parte ng karagatan.

“We’re making a big thing out of the fact, when that area was never under our possession,” sabi ni Roque sa Palace briefing.

“Ang talagang nag-aagawan sa Julian Felipe, Vietnam at China,” patuloy niya.

Gayunman, sinabi ni Roque, na hindi ibinabasura ng pamahalaan ang pag-angkin sa naturang lugar.

“Our claim is Julian Felipe Reef is an island and an island generates maritime territory. Pero ni hindi nga po ‘yan kabahagi ng arbitration natin, napakalayo talaga niyan sa atin. Pero hindi po natin binabalewala ang claim natin,” giit niya.

Ilang diplomatic protest ang isinampa ni DFA Sec. Teddy Boy Locsin laban sa China matapos makita mula noong Marso ang mga Chinese vessel sa Julian Felipe Reef.

 

KINASTIGO

Kaugnay nito, kinastigo rin sa mababang kapulungan ng Kongreso si Roque dahil sa nabanggit na pahayag hinggil sa Julian Felipe Reef.

Ayon kay Bayan Muna party-list Rep. Ferdinand Gaite, dapat siguro na muling rebyuhin ni Roque ang territorial water ng Pilipinas para malaman nito na ang Julian Felipe Reef ay bahagi ng EEZ ng Pilipinas at malayo ito sa pinakamalapit na pampang ng China.

“I suggest that Harry looks for a printed map or just search in Google Earth to educate himself where Julian Felipe Reef is, which is obviously well within the 200 nautical miles from the Philippine’s baselines,” ani Gaite.

Ang pahayag ni Roque ay taliwas sa sinabi ng National Task Force on West Philippine Sea na ang Julian Felipe Reef ay 130 nautical miles lang ang layo sa Palawan at mahigit 600 nautical mile sa pinakalapit na pampang ng China.

Naniniwala si Gaite na ang nine dash line ng China ang ginamit na batayan ni Roque sa kanyang pahayag imbes na ang sariling mapa ng Pilipinas na isa aniyang uri ng pagtataksil sa bayan.

“Roque and Pres. Duterte’s recent statements are really as good as a surrender of all our claims. Sumuko na sila talaga, kahit ayaw nilang aminin. Wala na sila ni katiting na interes sa pagtatanggol sa ating teritoryo kahit man lang sa salita. Kahit lip-service wala na talaga,” ayon pa kay Gaite. (CHRISTIAN DALE/BERNARD TAGUINOD)

160

Related posts

Leave a Comment