SEAMAN PATAY SA AMBUSH

BINUBUSISI ng mga awtoridad ang pagpaslang sa isang 25-anyos na seaman na pinagbabaril habang naglalakad sa Malate, Manila noong Linggo ng gabi.

Hindi umabot nang buhay sa pinagdalhang pagamutan ang biktimang si John Carlo Estember, residente sa Singalong St., Malate.

Samantala, patuloy naman ang isinasagawang imbestigasyon upang matukoy ang pagkakakilanlan ng tumakas na gunman.

Batay sa ulat ng Manila Police District-Homicide Section, bandang alas-7:00 ng gabi nang mangyari ang pamamaril sa biktima sa Angel Linao St. sakop ng Brgy. 731 sa Malate.

Sa initial report ng pulisya, habang naglalakad si Estember nang harangin ito ng nag-iisang gunman at malapitang pinagbabaril ang biktima bagama’t maraming tao sa lugar.

Blangko pa ang pulisya hinggil sa motibo ng pagpaslang sa biktima dahil walang rekord sa barangay si Estember at wala umanong kagalit.

Masusing iniimbestigahan ng mga awtoridad ang insidente kung may kinalaman ito sa negosyo ng biktima na pag-uupa ng mga bahay at pinauupahan naman ang bawat kuwarto sa mga kapwa seaman. (RENE CRISOSTOMO)

233

Related posts

Leave a Comment