HINDI totoong kaibigan ng Pilipinas ang Estados Unidos base sa mga karanasan kahit noong mga nakalipas na panahon dahil hindi tumutupad sa kanyang mga pangako ang Kano.
Sa Talk to the People ni Pangulong Rodrigo Duterte, Lunes ng gabi ay ibinahagi ni dating Senate president Juan Ponce Enrile ang pangyayari noong panahon ni dating pangulong Ferdinand Marcos kung saan pinagkaitan ng tulong ng US ang Pilipinas.
Ayon kay Enrile, hindi lang si Pangulong Rodrigo Roa Duterte ang hinadlangan na makabili ng armas mula sa Estados Unidos.
Aniya maging si dating pangulong Marcos ay nakaranas din ng ganoong situwasyon.
Inalala ni Pangulong Duterte ang pagsisikap ng pamahalaan na makabili ng 23,000 assault rifles para sa Philippine National Police (PNP) subalit nahadlangan ng US Congress dahil sa human rights issues.
“You know, that was put on hold by [US] Congress because they said that I was a human rights violator and their rifles will be used against my citizens,” ayon kay Pangulong Duterte.
Natawa naman si Enrile sabay sabing: “You’re not the only one to whom they did that. There was President Marcos.”
Si Enrile ay nagsilbing Defense chief sa ilalim ng rehimeng Marcos.
Ayon sa 106 report mula sa Reuters, pinigilan ng US State Department ang planong ibenta ang 26,000 assault rifles sa PNP matapos tutulan ito ni Sen. Ben Cardin.
Sa ulat, sinasabing si Cardin, top Democrat ng U.S. Senate foreign relations committee, ay nag-aatubili na magkaloob ang Estados Unidos ng armas dahil sa usapin ng human rights violations sa Pilipinas.
Sinisi
Kaugnay nito, mistulang ipinasa ni Enrile kina dating pangulong Benigno S. Aquino at ex-senator Antonio Trillanes IV ang sisi kung bakit nawala sa Pilipinas ang Panatag Shoal.
Sa Talk to the People ni Pangulong Duterte, ay hayagang kinuwestiyon ni Enrile ang naging papel ni Trillanes kaya’t nagkaroon ng 2012 standoff sa pagitan ng China at Pilipinas sa Scarborough Shoal.
Pahayag ni Enrile, noong siya ay Senate President, ay sinabihan niya si dating pangulong Aquino na mag-ingat kay Trillanes, kung saan noong panahon na iyon ay nagsasagawa ng pakikipag-usap sa China hinggil sa sitwasyon sa shoal.
“Siguro kailangang malaman natin kung saan ba nanggaling yung koneksyon ni Trillanes sa Beijing. Paano siya nagkaroon ng koneksyon doon, ni mismo ako, naging guest ako ng Beijing, wala akong koneksyon na gaya ni Trillanes na ganon na pwede niyang lapitan ang mga pinuno ng Tsina?” ayon kay Enrile.
Marahil maging si Aquino ay walang koneksyon kaya’t ang tanong ni Enrile ay “Bakit si Trillanes nagkaroon ng koneksyon na ganon? Yun ang isang misteryo na hanggang ngayon, dapat malaman kung anong sagot.”
Napaulat na kinuwestiyon ni Pangulong Duterte ang ginawang pagpili ni Aquino na magkaroon ng “military man” para magsagawa ng back-channel talks. Bumiyahe si Trillanes sa China ng 16 beses at makalipas lang ang dalawang araw sa huling pagbisita umano nito ay nawala na sa Pilipinas ang Scarborough Shoal.
Sinabi pa ni Enrile na nabanggit ni dating Foreign Secretary Albert Del Rosario na nagreklamo sa kanya si Philippines’ ambassador to China Sonia Brady noong panahon na iyon ukol sa ginawang pag-bypass sa kanya ni Trillanes.
Sa ulat, kabahagi ang Amerika sa pakikipag-usap ng Pilipinas sa China hinggil sa pinag-aagawang teritoryo. Nagkaroon pa umano ng kasunduan na lisanin ng dalawang kampo ang Panatag Shoal subalit nang hindi tumupad ang China ay walang ginawa ang Amerika.
‘Friendly approach’
Samantala, pinayuhan ni Enrile ang pamahalaan na pumili ng “friendly approach” sa China hinggil sa sinasabing hurisdiksyon ng Pilipinas sa West Philippine Sea sa halip na “assertive and aggressive” approach.
“Dapat friendly ang approach natin diyan. Hindi hard, aggressive and assertive approach sapagka’t kapag hindi tayo magkaunawaan sa China ay madadamay ang interes ng ating mga kababayan, ang ating ekonomiya pati na rin ang ating seguridad dito sa usapin nito,” ayon sa dating senador.
Si Enrile ay inimbitahan ng pangulo na makiisa sa usapin ukol sa territorial dispute sa West Philippine Sea. (CHRISTIAN DALE)
222 