AUTOMATION PROJECT NG DOTR, SAGOT SA KATIWALIAN

NANINDIGAN ang Department of Transportation (DOTr) na mababawasan ang katiwalian sa kanilang service automation project.

Sinabi ni DOTr Secretary Arthur Tugade na isa sa pinakamatagumpay na proyekto ng ahensya ang Driver’s License Acquisition and Renewal Program.

Sa programa, natanggal ang pagpasok ng mga middleman at mas naging maayos at nabawasan anng corrupt process sa pagkuha ng driver’s license.

Sinabi ni Tugade na kung mas kaunti ang human contact sa pagitan ng tao at kanilang mga kliyente, mas magiging maayos ang proseso.

Sa ngayon, ipinagmamalaki ng kalihim na maaari nang ma-renew ang lisensya sa loob ng isa’t kalahating oras.

Ito rin anya ang target ng gobyerno sa pagkakaroon ng Private Motor Vehicle Inspection Center (PMVIC) kung saan mas makatitipid ang mga magrerehistro ng sasakyan.

Sa paggamit ng PMVIC, nasa P400 ang babayaran ng motorista sa vehicle inspection at emission testing habang ang insurance policy ay nagkakahalaga ng P650.

Direkta namang isusumite sa LTO system ang PMVIC inspection nang walang dinaraanang ibang tao.

Sa pahayag ng motorista na si Mang Rey, mas malaki ang kanyang gastos kung didirekta sa LTO para sa renewal ng rehistro.

Kung sa Private Emission Testing Center (PETC), aabot ang carbon emission testing at motor vehicle insurance policy ng P1,100.

Habang sa proseso sa LTO, inabot ito ng P2,151 kasama ang P500 na sinasabing ibinigay sa LTO officer na nagsagawa ng manual visual inspection. (CESAR BARQUILLA)

212

Related posts

Leave a Comment