2 KONSEHAL NG BOAC SA MARINDUQUE NAMUMURO SA OMBUDSMAN

INIHAHANDA na ang demanda laban sa dalawang konsehal sa bayan ng Boac sa lalawigan ng Marinduque matapos magsumbong ang ilang empleyado ng Peryahang Bayan na pwersahan umanong ipinasara ng dalawang opisyal ang kanilang opisina nang walang tamang proseso.
“Marahas po ang ginawang pagpatupad ng sinasabi ng dalawang konsehal na “cease and desist” order at tinakot pa umano ng mga ito ang aming mga empleyado,” pahayag ng isang abogado ng GlobalTech na siyang may lisensiya para sa naturang palaro.
Ayon sa Global Tech lawyer ay hindi binigyan
ng munisipyo ng Boac ang kinatawan ng Peryahang Bayan sa nasabing lalawigan ng pagkakataong maiprisinta ang mga kaukulang dokumento na magpapatunay na legal ang operasyon ng naturang pambayang loterya.
“Ang Peryahang Bayan ay awtorisado ng Philippine Charity Sweepstakes Office (PCSO) na mag-operate ng number’s game kagaya rin ng Small Town Lottery (STL),” paliwanag ni Atty. Bernard Vitriolo.
Ayon sa kanya, nakaumang isampa sa Ombudsman ng kanilang kompanya ang asuntong Indirect Contempt dahil sa pagbale-wala sa legal na estado ng kanilang negosyo at harassment sa mga maliliit na kawaning pinagsalitaan umano ng dalawang opisyal ng marahas at mapanakot na salita.
“Maging ang mga gamit sa opisina ng Peryahang Bayan ‘tulad ng mga kompyuter at lottery machine at iba pang gadgets ay umano’y ibinalibag pabalik sa loob nang inilabas ito ng mga empleyado dahil sa utos ng munisipyo na ikandado ang naturang opisina,” ayon pa sa sumbong na nakarating sa head office ng GlobalTech sa Metro Manila.
Kinilala ng abogado ng GlobalTech ang dalawang inirereklamong konsehal sa bayan
ng Boac na sina Mark Anthony E. Seno at
Dave Daniel M. Larga.
Habang sinusulat ang balitang ito ay hindi pa available ang dalawang opisyal ng nasabing bayan upang magbigay ng kanilang panig.
270

Related posts

Leave a Comment