CPP-NPA-NDFP, PERSONA NON-GRATA SA PINAS

PATULOY ang pagsikip ng mundong ginagalawan ng mga opisyal at kasapi ng Communist Party of Philippines-New People’s Army-National Democratic Front of the Philippines (CPP-NPA-NDFP) dahil 84 porsiyento ng mga rehiyon, lalawigan, lungsod at munisipalidad sa buong bansa ay nagdeklarang bawal na silang kumilos at magtago sa nasabing lawak na bahagi ng buong arkipelago.

Ayon kay Interior Undersecretary Jonathan Malaya, 84 porsiyento ng 1,715 lalawigan, lungsod at munisipalidad sa buong bansa ay nagpasa ng kani-kanilang resolusyon na tahasang bumabatikos at nagkokondena sa mga krimen at kontra-mamamayang nagawa ng CPP-NPA-NDFP.

Idineklara rin ng nasabing local government units (LGUs) ang mga opisyal at kasapi ng kiluran bilang “persona non-grata” sa kani-kanilang nasasakupan.

Ang aksyon ng LGUs ay bahagi ng giyera ng administrasyong Duterte laban sa CPP-NPA-NDFP na ibinaba sa lokalidad makaraang tapusin ni Pangulong Rodrigo Duterte ang pakikipag-usap sa pamunuan ng kilusan na matagal nang nakabase at naninirahan sa The Netherlands.

Sinabi pa ni Malaya, bilang isa ring tagapagsalita ng National Task Force to End Local Communist Armed Conflict (NTF-ELCAC), ang mga lehislaturang lokal ng natitirang 279 LGUs ay patuloy pa rin ang talakayan ng kani-kanilang resolusyon laban sa CPP-NPA-NDFP.

“Isa itong mensahe sa CTGs (communist terrorist groups) na tigilan n’yo na ang inyong pagkukunwaring kayo’y para sa bayan. Hindi totoong kayo ang boses ng mamamayan. Hindi totoong gusto o kailangan kayo ng mamamayan,” paliwanag ni Malaya.

Layunin ng administrasyong Duterte na tapusin na ang armadong pakikibaka ng CPP-NPA-NDFP na nagsimula noong 1968 laban sa pamahalaan.

Layunin ng grupo na magtayo ng sariling pamahalaan na katulad sa China, North Korea at Cuba.

Sa mga bansang ito ay bawal batikusin ang pamahalaan, ang pangulo at buong liderato ng Communist Party (CP). (NELSON S. BADILLA)

153

Related posts

Leave a Comment