Parcels agad idi-deliver – PhilPost SENDING NG NOTIF CARDS, STOP NA

BUNSOD nang mabagal na proseso ng paghahatid ng sulat o parsela, ipinatigil na ng Philippine Postal Corporation (PhilPost) ang luma at matagal nang isinasagawang pag-iisyu ng notification cards.

Ayon sa pamunuan ng PhilPost, sa kasalukuyan ay hindi na magpapadala ng notification cards at agad nang ide-deliver ang mga parcel upang hindi ito matengga sa post office.

“Kapag dumating na ang parsela sa kanilang tanggapan at naiproseso na, wala nang dahilan upang ito ay magtagal pa sa post office. Hindi na kailangang antayin pa ang notification cards at ito ay kaagad na ihahatid ng kanilang tanggapan via door to door,” ayon sa postal service.

Kinumpirma rin nito na kamakailan lamang ay naihatid na ng postal service ang “undelivered parcels” sa Metro Manila, Bulacan, Rizal, Cavite, Palawan at Batanes.

Humigit-kumulang anila sa 214,730 “undelivered parcels” ang naihatid ng PhilPost Area 3 simula noong Marso 23.

Ayon kay Postmaster General Norman “Postman” Fulgencio, katumbas nito ang bilang ng mga taong sana ay pupunta o pi-pick-up ng kanilang parsela sa post office.

Ayon kay Fulgencio, sa pamamagitan ng door to door delivery magiging maginhawa at ligtas para sa publiko ang ganitong sistema na kanila ring ipatutupad sa buong bansa sa darating na mga araw.

Nagpasalamat din ito sa mga kawani at opisyal ng post office sa kanilang pakikiisa sa kanyang proyekto at sa mga darating pa upang mapabilis ang sistema ng serbisyo ng koreo sa bansa.

“Taos-puso rin ang aming pasasalamat sa publiko sa kanilang pang-unawa at pasensya. Ang serbisyo postal ay malayo pa rin sa pagiging perpekto nito sa operasyon, ngunit patuloy nitong pinagbubuti at pinahuhusay ang paghahatid ng sulat at parsela saang mang dako ng mundo”, dagdag pa nito. (RENE CRISOSTOMO)

301

Related posts

Leave a Comment