HINDI isinasantabi ng isang mambabatas sa Kamara na magagamit ng mga incumbent local official ang Bayanihan 3 na pinagtibay na ng mga mambabatas sa nasabing kapulungan.
Sa kanyang interpelasyon sa joint hearing ng House committee on social service at economic affairs para sa pinal na pag-apruba sa Bayanihan 3, sinabi ni Cagayan de Oro City Rep. Rufus Rodriguez na kailangang tiyakin na hindi magamit ng mga local official ang ayuda para sa kanilang political interest.
Ginawa ni Rodriguez ang nasabing pahayag dahil nakasaad sa Section 6 ng nasabing panukala na inaatasan ang Department of Interior and Local Government (DILG) sa tulong ng mga LGU na maghanda ng listahan ng beneficiaries para sa digital payments.
“The LGUs will not establish digital payments. How are we sure madame chair that this digital payments that will be use for ayuda will not be used for the coming elections by the local leaders,”ani Rodriguez.
Ayon sa mambabatas, hindi dapat ipaubaya sa LGUs ang ganitong uri ng impormasyon sa mga botante lalo na’t paparating ang halalan dahil mapadadali umano sa mga ito na bumili ng boto.
Hindi lingid sa marami na may mga politikong bumibili ng boto kapag panahon ng eleksyon upang masiguro ang kanilang panalo subalit cash na ibibigay ito sa mga nagbebenta ng boto.
Gayunpaman, pahirapan ang pagbili ng boto dahil karaniwang ginagawang sikreto ito ng mga tiwaling politiko sa pamamagitan ng kanilang runners o mga tauhan na inatasang mamili ng boto.
“The digital payments, this applications maybe use by local officials who has this particular data to give election money for election,” pangamba ng mambabatas kaya dapat umanong ikonsidera ang probisyong ito sa nasabing panukala.
Nakatakda nang iakyat sa plenaryo ang nasabing panukala matapos aprubabahan sa nasabing pagdinig na personal na dinaluhan ni House Speaeker Lord Allan Velasco. (BERNARD TAGUINOD)
188 