INUTIL SI ROBREDO KAYA HINDI PINILI NG 1SAMBAYANAN

ALAM ng mga kritiko ni Pangulong Rodrigo Duterte na malakas at matinding kalaban si Duterte sa eleksyong 2022 dahil ‘kontrolado’ nito ang Commission on Elections (COMELEC), Armed Forces of the Philippines (AFP), Philippine National Police (PNP) at mataas pa rin ang trust rating ng pangulo.

Kaya, nagbuo ang mga kritikong ito ng isang alyansang tinawag nilang 1SAMBAYANAN.

Ang Liberal Party (LP) na oposisyon sa kasalukuyan ay pinamumunuan ni Bise – Presidente Maria Leonor “Leni” Robredo.

Kaya, itinuturing na lider ng oposisyon si Robredo.

Sumali ang LP sa ­1SAMBAYANAN dahil, ayon nga sa pangunahing convenor nito na si retiradong Supreme Court Associate Justice Antonio Carpio, kailangang magkaisa ang mga kontra kay Duterte upang manalo sa 2022.

Pokaragat na ‘yan!

Sa pagsama ng LP sa 1SAMBAYANAN, hindi otomatikong pambato ng oposisyon si Robredo sa pagkapangulo laban sa kandidato ng administrasyon at Partido Demokratiko Pilipino – Laban ng Bayan (PDP – Laban).

Isinama pa ng 1SAMBAYANAN sina Senadora Mary Grace Poe, Senadora Nancy Binay, Manila Mayor Francisco “Isko Moreno” Domagoso at dating Senador Antonio “Sonny” Trillanes IV.

Pokaragat na ‘yan!

Walang ibang kahulugan ito, kundi inutil si Robredo, kaya hindi siya otomatikong pinili ng mga miyembro ng 1SAMBAYANAN.

Hindi nagtagumpay ang kanyang programang susugpo sa malaganap na kahirapan.

Hindi rin nakatulong sa pinakamaraming Filipino ang kanyang programang tulong pangkalusugan.

Higit sa lahat, hindi napagkaisa ni Robredo ang mga kritiko ni Duterte upang maraming magtulong sa pagbubunyag at pagbatikos sa samu’t saring kapalpakan ni Duterte laban sa korapsyon, kahirapan, droga, pambabraso at pag-angkin ng China sa West Philippine Sea (WPS) at iba pa.

Pokaragat na ‘yan!

Kung talagang malakas, mahusay at epektibong pinuno ng oposisyon si Robredo ay pihadong siya na ang iluluklok na pambato ng 1SAMBAYANAN laban sa administrasyon at PDP – Laban.

Isa pa, hindi “winnable” si ­Robredo.

Katunayan, napakababa ng kanyang iskor sa lahat ng sarbey sa mga posibleng tatakbo sa pagkapangulo sa 2022.

Pokaragat na ‘yan!

Sa mga napili ng ­1SAMBAYANAN, sina Poe at Moreno/Domagoso ang maganda ang iskor sa sarbey, lalo na si Poe.

Hindi kasama sina Binay at Trillanes dahil hindi naman alam ng nagpasarbey na posibleng tumakbo sila sa pagkapangulo.

Hindi tuluyang tinanggal ng mga convenor ang pangalan ni Robredo upang hindi naman ito kawawa.

Pokaragat na ‘yan!

Noong lumabas sa media ang mga kandidato ng 1SAMBAYANAN sa pagkapangulo, kagyat na naglabas ng pahayag si Binay na hindi siya interesado.

Hindi ko rin maintindihan ang takbo ng utak ng mga convenor ng 1SAMBAYANAN sa paglagay nila sa pangalan ni Binay dahil hindi naman ito nagpahiwatig kahit kailan na tatakbo sa pagkapangulo mula ng muling mahalal sa senado noong 2019.

Hindi rin ito kilalang oposisyon.Katunayan, duwag si Nancy Binay na direktang batikusin ang sangka­terbang kapalpakan ni Pangulong Duterte.

Wala rin daw balak na muling tumakbong pangulo si Poe, ayon sa kanyang kampo.

Nagpasalamat naman si Moreno/Domagoso sa pagsama ng kanyang pangalan, ngunit ayaw niyang magdeklara nang maaga na tatakbo siya sa pagkapangulo dahil posibleng maglabasan na sa media ang lahat ng natatago niyang baho sa pagiging politiko, kabilang na ngayong alkalde siya ng Maynila.

Pokaragat na ‘yan!

Ayaw niyang matulad sa sinapit noon ni dating Bise – Presidente Jejomar Binay na kinaladkad nina Trillanes at ng senador noon na si Alan Peter Cayetano sa Senado ang mga katiwalian, korapsyon at pandarambong na posibleng kinasangkutan ni Binay.

Dahil sa nangyari, natalo si Binay sa halalan sa pagkapangulo.

Sa Oktubre 1 pa ang simula ng paghahain ng certificate of candidacy (COC), kaya marami pang magaganap sa 1SAMBAYANAN at maging sa kampo ni Duterte at iba pang partido.

Siguradong magkakabanatan pa sa isa’t isa ang mga taga-oposisyon.

Posibleng umatras si Robredo sa pambansang halalan kapag hindi siya mapili ng 1SAMBAYANAN.

Tulad ng madalas niyang sabihin sa media, bukas siya sa lahat ng posibilidad, kasama na ang pagtakbo sa lokal.

Isa sa matunog na tatakbuhan niya ay ang pagiging gobernador ng Camarines Sur.

Maaari ding bumalik siya sa pagiging kongresista, o kaya tumakbong alkalde ng Naga City.

Sabi ni Robredo, mas gusto niya ang trabaho sa lokal dahil higit siyang malapit sa pamayanan at mga taong kanyang paglilingkuran.

Saan man siya manalo, sana hindi na inutil si Robredo sa susunod na panahon.

458

Related posts

Leave a Comment