TILA pinaglaruan ng isang preso ang mga kagawad ng Philippine National Police (PNP) at Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) kaya’t nagkaroon ng shootout noong Pebrero.
Sa pagdinig ng Senado, sinabi ni NBI-National Capital Region director Cesar Bacani na lumabas sa kanilang imbestigasyon na isang convict mula sa Sablayan Penal Colony sa Occidental Mindoro ang nagdikta ng takbo ng operasyon.
“Nung sinubmit sa amin ng PNP ‘yung conversation ni Jonaire (Decena) at saka ni James Tan, nag-human intelligence kami, na-locate namin na sa Sablayan Penal Colony (galing) ‘yung tawag,” saad ni Bacani.
“Paopao is Mervin Magallon na nakakulong sa Sablayan Penal Colony na siyang nakikipag-usap kay Jonaire nung una. Pero ‘yung picture dun sa cellphone ni (Jonaire) hindi si Paopao ‘yun. ‘Yun si Reynato Peña, alyas James Tan, alyas Yamashita Arigato, na mukha lang n’ya (Tan) ang nilagay dun,” paliwanag pa ng opisyal.
“Mukha lang siya (Tan) pero the one dictating the tempo is Paopao or Magallon. Ginamit lamang ni Magallon ‘yung mukha ni Peña dahil kilala na siya ni Jonaire,” pagpapatuloy pa nito.
Samantala, isinalaysay sa hearing ng Quezon City Police District na ang kanilang impormante na si Jonaire, isang detainee, ang nakipagtransaksyon sa suspect na si James Tan.
Ilang phone conversation at text messages sa pagitan ng dalawa ang iprinisinta ng QCPD sa Senate panel.
Nabatid na si Untong Matalnas ang napag-utusan ni Tan na makipagkita kay Jonaire.
Si Matalnas, alyas Bato at alyas Intsik, ay lumitaw na asset ng PDEA na napatay sa shootout subalit hindi pa malinaw kung sino ang nakapatay sa kanya.
“Si Paopao ‘yung kausap ni alyas Bato, hindi naman diretso si Mama Jo (Jonaire’s alias). ‘Yung mga operation namin before si Paopao na nakalagay sa Sablayan, ‘yun ang sinasabi nilang James Tan,” paliwanag naman ni PDEA director general Wilkins Villanueva sa pagdinig.
Napag-alaman din na ang numero na ginamit ni Paopao at ng sinasabing James Tan ay pareho.
Muli namang iginiit ni Senador Ronald dela Rosa, committee chairman, ang pangangailangan na maipatupad na muli ang death penalty para sa high-level drug traffickers.
“‘Yan ang frustration ko sa death penalty walang katapusan e. Kung meron tayong death penalty, ‘yang Paopao na ‘yan na nakakulong pala sa
Sablayan, kung nabitay na ‘yan noon wala na sanang misencounter na nangyari sa PDEA at PNP. Ginagago tayo ng drug lord sa loob ng kulungan, patuloy ang kanilang sindikato. Sana ibalik na ang death penalty sa high level drug traffickers,” diin nito.
Nangako naman ang NBI na matatapos ang kanilang imbestigasyon sa susunod na dalawang linggo.
“We are nearing completion of our investigation, 90%. In two weeks time we can make our recommendation. We are just waiting for the result of the forensic examination on the CCTVs, cellphones, firearms for authentication,” diin nito. (DANG SAMSON-GARCIA)
472 