UMAARAY na ang mga ina ng tahanan dahil sa ngayon ay nananatiling mataas pa rin ang presyo ng karneng baboy sa mga pamilihan.
Ano daw ba ang ginagawa ni Department of Agriculture (DA) Secretary William Dar? Natutulog lang daw ba ang kalihim ng DA sa pansitan?
Kaya tuloy parang gusto nang maniwala ng mga ina ng tahanan na may nangyayaring sabwatan sa pagitan ng mga opisyal ng DA at mga negosyante ng karneng baboy.
Sa pinakahuling natanggap na info ng PUNA, bagama’t bumaba na ng bahagya ang presyo ng baboy mula sa dating mahigit P400 kada kilo ay naging P310 na lang ito ngayon.
Ang presyong ito ay mula sa bagong katay o sariwang karneng baboy.
Kung ikukumpara sa price ceiling ng gobyerno na P270 kada kilo ng karneng baboy ay nananatili pa ring mataas ito para sa P310 ngayon sa mga pamilihan.
Kamakailan sinabi ng DA na kailangan mag-angkat ng karneng baboy mula sa ibang bansa para bumaba ang presyo nito sa mga pamilihan.
Anyare? Hindi naman na bumalik sa dating presyo nito nung mga nakaraan na P240 lang kada kilo ng karneng baboy.
Kahit na ang itinakdang presyo ng gobyerno na dapat ay P270 kada kilo ng karneng baboy ay hindi pa rin nasusunod.
Sabi pa ng mga ina ng tahanan na kapag iginiit mo ang ceiling price na P270 ng karneng baboy na itinakda ng gobyerno ay sasabihin sa iyo ng nagtitinda na sa Department of Agriculture ka na lang bumili ng baboy.
Kung kelan pa man din may pandemya at saka pa tumaas ang presyo ng karneng baboy.
Hindi lang ang mga ina ng tahanan ang apektado ng mataas na presyo ng karneng baboy kundi maging ang karinderya o kainan.
Kaya marami sa kanila ay itinigil na rin ang kanilang pagtitinda, kasi wala na rin daw silang tutubuin dahil sa mataas na pagbili nila ng karneng baboy.
Kadalasan ang presyo ng isang order ng karneng baboy ngayon sa mga karinderya ay nasa P70.
Ang itinuturong dahilan ng DA sa mataas na presyo ng baboy ay ang African Swine Fever (ASF).
Marami raw kasing mga rehiyon sa bansa na nag-aalaga ng baboy ang naapektuhan sa pandemya ng baboy.
Sinasabi naman ng iba na kaya tumaas ang presyo ng baboy ay dahil sa istratehiya ito ng mga negosyante para kumita sila ng limpak-limpak na salapi.
Inipit nila ang supply ng mga karneng baboy at saka na nila ilalabas pag mataas na ang presyo nito.
Mayroon namang nagsabi na ito ang epekto ng kakulangan ng suporta ng gobyerno sa mga nag-aalaga ng baboy at magsasaka.
Ang mga magsasaka ang sektor na pinakamahirap sa bansa, kaya ang tama niyan ay sa supply ng pagkain ng bansa.
Yan naman ang gusto ng mga kumikita sa pag-iimport kasi malaki ang kanilang kabig dito.
Ang ganitong pananaw ay pwede lang sa mayayamang bansa na tulad ng Amerika na malalaki ang value ng kanilang pera.
Walang kaibahan yan sa isang mayamang pamilya, hindi katulad ng Pilipinas na kahit pambili niya ng bakuna sa COVID-19 sa ibang bansa ay inutang pa.
Paano na kung wala nang magpapautang? Nganga na lang.
Isa pa man ding agricultural country ang Pilipinas, pero kung ganito namang puro press release ang ayuda sa mga magsasaka, ay gutom din ang resulta nito.
Kung totoo ang sinasabi ng DA na sinusuportahan nila ang mga magsasaka, siguro naman ramdam na ngayon yan.
Pero bakit hanggang ngayon ay nananatiling kapos at mataas pa rin ang presyo ng mga agricultural product?
Ang mga bansa sa Asya na tulad ng Thailand, Vietnam at iba bakit hindi sila kinakapos ng bigas?
Kasi maganda ang suporta ng gobyerno nila sa kanilang mga magsasaka.
Hindi lang puro press release kundi totoo ang kanilang pagsuporta sa kanilang mga magsasaka.
Nung panahon ni dating Pangulong Ferdinand Marcos ay hindi nagutom ang sambayanan, maging ang mga mag-aaral sa elementarya.
Natikman natin ng mga panahon na yun ang tinatawag na “nutribun”, isang tinapay na dinadala sa mga paaralang elementarya para sa mga mag-aaral.
Bukod sa tinapay ay mayroon pang mga gatas para sa mga mag-aaral.
Yan ang magpapatunay na hindi naghihirap ang bansang Pilipinas.
Kaya naman sa mga panahon na yun ay bihira tayong makakakita ng batang malnourished.
Ngayon napakaraming gutom na mga bata, lalo na rito sa Metro Manila na kahit may pandemya ay pakalat-kalat sa mga kalsada.
Iisa ang dahilan kung bakit nagkakaganito ang Pilipinas dahil sa sobrang korapsyon sa mga tanggapan ng gobyerno.
Sa dami nang natuklasang korapsyon sa mga tanggapan ng gobyerno ay wala namang napaparusahan pang mataas na opisyal ng gobyerno.
Simple lang ang pwede nating gawin kung gusto nating umangat ang ating bansa ay magtulungan tayo na mawala ang korapsyon.
Patawan ng pinakamabigat na parusa ang mga magnanakaw para hindi na pamarisan ng iba.
Itigil na rin yang importasyon ng mga pagkain, sa halip suportahan ang ating mga magsasaka para makapagtanim sila ng maayos.
Tingnan natin sa loob ng isang taon ay may resulta yan.
oOo
Para sa suhestiyon at reaksyon mag-email joel2amongo@yahoo.com at operarioj45@gmail.com o kaya magtext sa 0956-951-00-57.
204 