SA ganitong panahon ng pandemya, ako ay lubos na nagpapasalamat na ako ay nasa ilalim ng lokal na pamahalaan na mayroong maayos at mahusay na sistema. Noong nakaraang linggo ay nakumpleto ko ang ikalawang dosis ng bakuna kontra COVID-19. Nais kong pasalamatan ang lokal na pamahalaan ng lungsod ng Pasig dahil sa napakaayos na sistema nito. Napakalaking kagaanan sa aking kalooban ang maging protektado laban sa COVID-19.
Ayon sa mga eksperto sa usaping pangkalusugan, ang pagkumpleto sa bakuna ay hindi nangangahulugan na hindi na magkakaroon ng sakit na COVID-19 ang isang indibidwal. Ang pagkumpleto ng bakuna ay proteksyon lamang. Kung ang isang indibidwal na kumpleto sa bakuna ay magkakaroon ng COVID-19, maaasahang hindi magiging malala ang epekto nito sa kalusugan. Hindi gaya ng mga indibidwal na walang proteksyon mula sa nasabing virus.
Napakahalaga lalo na para sa mga naninirahan sa NCR Plus ang makapagpabakuna upang makamit natin ang herd immunity. Ito ay lubhang mahalaga upang hindi na muling sumailalim sa lockdown ang nasabing lugar.
Ang pagpapatupad ng General Community Quarantine (GCQ) na mayroong mas mahigpit na mga panuntunan ay nagreresulta sa pagkaantala ng operasyon ng mga negosyo. Napapabagal nito ang pagbangon ng ating ekonomiya mula sa malubhang epekto ng pandemyang COVID-19. Upang makabalik sa normal na operasyon ang mga negosyo, kailangang makamit muna ang herd immunity.
Nakakabuhay ng kalooban na makita at masaksihan ang pagtutulungan ng pribado at pang-publikong sektor. Maging ang mga relihiyosong mga grupo ay nakikipagtulungan na rin sa pagpapabilis ng pamamahagi ng bakuna sa bansa.
Kamakailan ay inialok ng Catholic Bishops’ Conference of the Philippines (CBCP) sa pamahalaan ang opsyong gamitin ang mga simbahan bilang vaccination site upang mas mapabilis ang ating pagkamit sa herd immunity.
Ayon sa pahayag ni CBCP spokesman Fr. Jerome Secillano, naka-depende na sa lokal na pamahalaan kung sila ay makikipag-ugnayan sa mga obispo at mga pari sa parokya kung paano maaaring gawing vaccination site ang mga simbahan.
Nakatutuwa rin na maraming netizen ang nagpopost sa Facebook, Twitter, at iba pang social media site ukol sa kanilang pagpapabakuna. Ito ay maituturing na suporta sa programang ito ng pamahalaan. Ito rin ay mabisang paraan upang mahikayat magpabakuna ang iba pang mamamayan.
Bagamat patuloy na nakikitaan ng pagbaba ang bilang ng dumadagdag na kaso ng COVID-19 kada araw mula sa NCR Plus, hindi pa ito ang tamang panahon upang isailalim sa Modified GCQ ang naturang lugar, ayon kay OCTA Research fellow Guido David.
Ayon kay David, iniiwasan din nila ang sitwasyon kung saan maaaring maging kampante ang mga tao dahil sa pag-aakalang bumubuti na ang sitwasyon sa kabila ng patuloy na pagkakaroon ng bagong kaso kada araw. Ang kinakailangan sa ngayon ay ang pagpapabilis ng pamamahagi ng bakuna sa bansa.
Upang makamit ang herd immunity, kailangan ding mabakunahan ang mga kabataan na may edad 17 pababa. Bagamat bihira ang kaso ng malalang epekto ng COVID-19 sa kalusugan ng mga bata, maaari pa rin silang maging carrier ng virus at makahawa sa mga taong nakapaligid sa kanila.
Ang magandang balita ay inanunsyo ng Moderna na ang kanilang bakuna ay lubos na mabisa sa mga indibidwal na may edad 12 hanggang 17.
Bagamat bumubuti na ang ating sitwasyon, hindi ito ang tamang panahon upang maging kampante. Bagkus, lalo pa tayong mag-ingat at mas paigtingin at pabilisin ang sistema ng pamamahagi ng bakuna upang makamit natin ang herd immunity dahil ito lamang ang tanging paraan upang makabalik sa normal na takbo ng ating buhay. Ang bakuna, anuman ang tatak nito, ang pinakamabisang proteksyon laban sa pandemyang COVID-19.
128