NAGWALA sa galit ang halos 500 OFW na patungo sana sa Saudi Arabia matapos na biglang maglabas ng Advisory no. 66, Series 2021 ang Department of Labor and Employment (DOLE) kung saan ay ipinagutos ni Secretary Silvestre Bello ang “Temporary Suspension of Deployment of Overseas Filipino Workers to the Kingdom of Saudi Arabia” nitong Mayo 27 .
Nakasaad sa kautusan ni Sec. Bello na ito ay ipatupad sa lalong madaling panahon, kung kaya ay kagyat na umaksyon ang Bureau of Immigration at hindi pinayagan ang mga OFW patungo sa Saudi Arabia. Maging ang Philippine Airlines ay nabigla sa kautusan na ito, kung kaya sila man ay walang maisagot sa mga nagwawalang mga OFW na nasa NAIA. Gayunpaman ay napilitan silang paliparin ang eroplano kahit walang lulan na pasahero para maiuwi naman ang mga pauwi ng Pilipinas.
Sa ilalim ng kautusan ni Sec Bello, ay sinabi nito na agad na ipahinto ang paglipad ng mga OFW habang nililinaw pa sa gobyerno ng Saudi Arabia ang kanilang patakaran na nagsasabi na ang mga OFW na darating sa Saudi Arabia ay kailangan na manatili ng 10-14 na araw sa quarantine facilitites at ang gastusin ay dapat na ang OFW ang siyang magbayad.
Sa report ng Department of Foreign Affairs at sa mga sumbong na natanggap ni Sec. Bello, ay sinasabi nito na ang mga OFW na kararating lang sa nasabing bansa ay sinabihan ng kanilang employers na ikakaltas sa kanilang sweldo ang ginastos para sa hotel quarantine na umaabot sa halos 50,000 hanggang 70,000 piso.
Nitong Sabado ay magkasunod kaming nakapanayam ni Sec Bello sa programang Kabayan Abroad ng SMNI ni Lady B. At doon ay aking ipinaliwanag ang damdamin ng mga galit na galit na mga OFW dahil sa pagkaka-antala ng kanilang byahe patungo sa Saudi.
Simula kasi nang lumabas ang Advisory 66 ng DOLE ay sandamakmak na tawag at inbox messages ang aking natanggap kung kaya ako ay agad na nakipag-ugnayan sa opisina ni Sec.Bello at maging sa mga Deputy Adminsitrators ng Overseas Workers Welfare Administration.
Kabilang sa aking binanggit sa naturang programa ang katanungan ng mga OFW na sino ang mananagot sa gastusin sa mga magi-expire na RT-PCR o swab test? Sino ang mananagot sa kanilang mga rebooking sa ticket ng eroplano ? Sino ang magbabayad ng hotel ng mga na-stranded na pasahero?
Sa usaping pagbabayad sa hotel ay agad naman inako ito ng OWWA . 150 sa mahigit na 400 na pasahero ang agad na nailipat ng OWWA sa mga hotel at maging ang kanilang pagkain at transportasyon ay inako ng OWWA.
Matapos nang panayam sa akin ay agad naman nakausap ng Kabayan Abroad host na si Lady B si Sec. Bello at kanyang ipinaabot ang aking mga katanungan . Nakakatuwa na agad naman umaksyon si Sec.Bello at kanyang ipinangako na aakuin ng DOLE at OWWA ang gastusin para sa mga nag-expire na swab test at hotel para sa mga naapektuhan ng DOLE Advisory 66.
Tungkol naman sa rebooking ay nag-anunsiyo naman ang Philippine Airlines na simula sa Mayo 29 ay tatangapin na muli nila ang libreng pagre-rebook ng mga ticket ng mga naapektuhan ng travel suspension patungo sa Saudi Arabia matapos na maglabas muli ng Advisory ang DOLE na binawi na nito ang Advsory No 66 noong Mayo 29 at pinapahintulutan na nito ang pag-byahe ng mga OFW patungo sa Saudi Arabia.
Ang AKOOFW ay mananatiling gaganap bilang boses ng mga OFW sa anumang sitwasyon at pagkakataon na kailangan ng mga OFW.
oOo
Kung mayroon kayong nais idulog o ipaabot sa inyong abang lingkod, maaari kayong sumulat sa akin sa e-mail address saksi.ngayon@gmail.com o drchieumandap@yahoo.com.
436
