ARESTADO ang dalawang babae at isang lalaki nang makumpiskahan ng 200 gramo ng shabu na tinatayang P1.3 milyon ang halaga sa buy-bust operation ng Parañaque City Police Drugs Enforcement Unit, sa pangunguna ni P/Major Brant Salazar, dakong alas-2:00 ng hapon nitong Lunes.
Ayon kay Maj. Salazar, nakatanggap sila ng report mula sa kanilang impormante hinggil sa pagbebenta umano ng shabu ng isa sa mga babaeng suspek.
Agad nagsagawa ng surveillance operation ang mga awtoridad sa harap ng fastfood restaurant sa service road ng Roxas Boulevard sa Barangay Baclaran sa nabanggit na lungsod.
Pasado alas-2:50 ng hapon ay kumagat na sa kanilang pain ang mga suspek at nakabili ang poseur buyer ng 100 gramo ng shabu na kalaunan ay nagkasundo sa 200 gramo.
Agad inaresto ng mga awtoridad ang target na suspek kasama ang dalawa.
Mahigit sa 200 gramo ng shabu na may market value na P1.3 milyon, ang nakumpiska sa mga suspek.
Ayon kay Major Salazar, hindi muna nila tinukoy sa media ang pangalan ng mga suspek dahil may follow-up operations pa silang isasagawa makaraan ang pagkakahuli sa tatlo.
Posible aniyang maging daan ang tatlong nadakip para mahuli rin ang iba pang mga nasa likod ng pagpapakalat ng ilegal na droga sa nabanggit na lugar.
Nakatakdang sampahan ang mga suspek ng kasong paglabag sa RA 9165 o Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002. (DAVE MEDINA)
691
