PATAY ang magtiyuhin habang sugatan ang kamag-anak nilang mag-asawa nang pagbabarilin ng dalawang hindi kilalang mga suspek sa Tondo, Manila.
Dead on the spot ang magtiyuhing sina Raymond Tington at Obet Tington, kapwa residente ng Brgy. 146, Balut, Tondo.
Habang sugatan naman ang mga magulang ng biktimang si Obet na sina Popoy at Bebeng.
Agad nakatakas ang dalawang hindi pa kilalang mga suspek na pinaghahanap na ngayon ng mga pulis.
Batay sa ulat ng Manila Police District-Homicide Section, bandang alas-2:00 ng madaling araw nang pasukin ang bahay ng magtiyuhin noong Mayo 31 at nang makita ang dalawa ay pinaputukan sila ng mga suspek.
Tinamaan ng bala sa ulo si Raymond habang sa tagiliran naman ang tama ni Obet na kapwa nalagutan ng hininga.
Matapos mapatay ang dalawa, tinangka ng ama ni Obet na harangin ang mga suspek ngunit pinaputukan ito sa dibdib. Habang si Bebeng ay binaril naman sa hita.
Bagama’t may tama ng bala ang ama ni Obet, muli umano nitong tinangkang pigilan ang mga suspek ngunit mabilis na nawala ang mga ito sa dilim.
Isinugod sa Tondo Medical Center ang mag-asawa na ngayon ay nasa ligtas nang kalagayan.
Sa impormasyon ibinigay ng mga opisyal ng barangay sa lugar, nasangkot umano noon si Raymond sa ilegal na droga at nahuli-cam na nakikipagbarilan sa kanilang lugar.
Inaalam ng mga pulis ang motibo sa krimen upang mabatid kung may kinalaman ito sa ilegal na droga. (RENE CRISOSTOMO)
160
