ROMBLON – Anim na mangingisda ang nakaligtas matapos makalangoy ang mga ito patungo sa isang isla nang lumubog ang kanilang bangkang pangisda sa gitna ng dagat sa kasagsagan ng pagdaan ng bagyong Dante sa lalawigang ito, nitong Miyerkoles ng umaga.
Galing ng Simara Island sa Romblon ang mga mangingisda nang abutan ng malalaking alon sa laot malapit sa Alad Island dahilan para tumaob ang kanilang bangka.
Nakita ng mga taga Alad Island ang paglubog ng bangka at tinangkang magpadala ng tulong para iligtas ang mga mangingisda ngunit nabigo ang rescue group na makalaot dahil sa malalaking alon.
Pinilit na lang umano ng mga mangingisda na lumangoy patungo sa dalampasigan ng isla para mailigtas ang kanilang mga sarili.
Kinilala ang mga nakaligtas na sina Marcos Fronda, Jomar Fajanilan, Domengueto Fajilan, Onyok Fajiculay, Jil Crist Fajiculay at Body Hapic, pawang mga residente ng Corcuera, Romblon.
Nakikituloy muna ang mga ito sa isang bahay ng residente sa isla at magpapalipas ng sama ng panahon bago ihatid pabalik sa kanilang isla na 14 milya ang layo sa pinangyarihan ng insidente. (NILOU DEL CARMEN)
296 