BIR, MALI SA PAGPAPATAW NG 25% NA BUWIS SA PRIVATE SCHOOLS

NAIS ni Senador Sonny Angara na bawiin ng Bureau of Internal Revenue ang kanilang regulasyon para sa pagpapataw ng 25% na corporate income tax sa mga pribadong paaralan.

Sinabi ng chairman ng Senate Committee on Finance na dagdag pahirap ito sa mga private school at posibleng maging dahilan pa ng pagsasara ng natitirang maliliit na paaralan dahil sa nabawasang enrolees.

Binigyang-diin din ni Angara na labag ito sa konstitusyon na nagsasabing exempted sa buwis ang educational institutions.

Isinaad ng mambabatas na simula pa noon ay hindi pa napapatawan ng 25% na Corporate Income tax ang mga paaralan.

Ang inilabas na regulasyon ng BIR ay ibinatay sa bagong batas na Corporate Recovery and Tax Incentives for Enterprises o ang CREATE Law.

Naniniwala si Angara na mali ang intepretasyon ng BIR sa bagong batas na kailangang proprietary at non-profit ang education institution bago magkwalipika sa 1 percent na buwis mula Hulyo 2020 hanggang Hunyo 2023.

Sinabi ni Angara na para hindi na magkamali sa interpretasyon, isusulong nito ang panukala para maging malinaw ang National Internal Revenue Code sa pagbubuwis sa mga pribadong paaralan. (DANG SAMSON-GARCIA)

190

Related posts

Leave a Comment