WANTED SA ROBBERY NATUNTON SA MANILA CITY JAIL

BITBIT ang arrest warrant, pumasok ang mga operatiba ng Manila Police District sa Manila City Jail (MCJ) at inaresto ang isang 22-anyos na lalaking number 3 most wanted person dahil sa kasong robbery.

Si Jericho Lacap y Liyaga, binata, residente sa #1622 Maria Natividad St., Sta. Cruz, Manila ay muling inaresto ng mga tauhan ni P/Lt. Col. John Guiagui, commander ng MPD-Station 3, bandang alas-4:51 noong Huwebes ng hapon.

Ayon kay P/Major Inocencio Richard Villanueva ng Intelligence and Warrant Section, habang nagsasagawa sila ng “Manhunt Charlie” sa M. Natividad sa Sta. Cruz upang tugisin at arestuhin si Lacap ay napag-alaman nilang nakakulong ito sa MCJ sa Quezon Boulevard sa Sta. Cruz.

Dahil dito, sa pangunguna ni Major Villanueva at ilang tauhan nito, nagtungo ang mga awtoridad sa MCJ at ipinakita sa suspek ang dala nilang warrant of arrest na inisyu ni Hon. Tita Bughaw Alisuag, presiding judge ng Manila Regional Trial Court, Branch 1, sa kasong robbery at may petsang Nobyembre 20, 2017.

Inirekomenda ng korte ang pyansang P100,000 para sa pansamantalang kalayaan ng suspek.

Unang nakulong ang suspek sa nasabing piitan dahil sa kaparehong kaso. (RENE CRISOSTOMO)

119

Related posts

Leave a Comment