2 MURDER SUSPECTS TIKLO SA MARITIME POLICE

ARESTADO ng mga tauhan ng Maritime Police ang dalawang lalaking wanted sa kasong murder sa magkahiwalay na operasyon kontra wanted persons sa Navotas City at Quezon City.

Kinilala ni Northern NCR Maritime Police (MARPSTA) head P/Major Randy Ludovice ang unang suspek na si Noe Alaquiao alyas “Utoy,” 29, mangingisda, ng Blk. 29, Lot 8, Squatter Area, Palengke St. Brgy. NBBN.

Ayon sa ulat, nakatanggap ang mga tauhan ng MARPSTA ng impormasyon na nakita ang suspek sa Navotas Fish Port Complex (NFPC) kaya’t agad bumuo ng team ang mga tauhan ng MARPSTA, sa pangunguna ni P/Capt. Luisito Balatico sa ilalim ng pangangasiwa ni P/Major Ludovice, kasama ang mga tauhan ng Warrant and Subpoena Section (WSS) ng Navotas City Police, sa pangunguna ni P/SMS Normito Tapon.

Dakong alas-9:30 ng gabi, nagsagawa ng operasyon ang pinagsamang mga tauhan ng MARPSTA at WSS sa Palengke St., NFPC na nagresulta sa pagkakaaresto sa suspek sa bisa ng warrant of arrest na inisyu ni Presiding Judge Hon. Zaldy B. Docena ng RTC Branch 170 ng Malabon City dahil sa kasong murder na walang inirekomendang piyansa.

Samantala, natimbog din ng pinagsamang team ng MARPSTA, WSS ng Navotas Police at Special Operation Unit 3 sa hiwalay na operasyon dakong alas-6:30 ng gabi sa Riverside St., Unit 3, Brgy. Commonwealth, Quezon City si Alger Cervantes alyas “Tricks,” 25, electrician.

Si Cervantes ay inaresto sa bisa ng warrant of arrest na inisyu ni Hon. Madonna Echiverri, presiding judge ng RTC Branch 80 ng Quezon City dahil sa kasong murder na walang inirekomendang piyansa. (FRANCIS SORIANO)

170

Related posts

Leave a Comment