ALAK PWEDE NA SA VALENZUELA

PISTA sa Hunyo sa Valenzuela City para sa mga tomador matapos na dinggin ang kanilang panalangin na muling ipawalang-bisa simula sa Hunyo 9 ang Stay Sober Ordinance na nagbabawal sa pagbebenta, pagbili at pag-inom ng alak sa lungsod, ngunit pinangangambahan naman ang muling paglobo ng mga kaso ng COVID-19 dahil sa inaasahang magiging paglabag sa health protocol.

Bagama’t nakasaad sa Liquor Regulation During Pandemic Ordinance na kung iinom ng alak ay dapat siguruhing nasusunod ang safety protocols na ipinatutupad ng lungsod, malaki ang posibilidad na mababalewala ito sa sandaling may tama na ng alak o lasing na ang isang tao o grupo.

Bawal din ang ang pagtagay o paghihiraman ng baso, maging ang paggala ng mga lasing o nakainom, ngunit panahon na lamang ang makapagsasabi kung maipatutupad ito.

Ayon pa sa ordinansa, ang pagbebenta ng alak ay hindi papayagan tuwing curfew hours ng lungsod mula 10 pm hanggang 4 am.

Hindi rin maaaring bentahan ng alak ang mga menor-de-edad at buntis, at ipinagbabawal ang pag-inom ng alak sa mga pampublikong lugar.

Ang mga establisyemento ay dapat lamang magbenta ng limitadong dami ng alak sa bawat tao kada araw.

Nagpaalala ang pamahalaang lungsod na sinumang lalabag sa ordinansa ay papatawan ng multa at maaaring tanggalan ng business permit ang susuway na mga establisimyento. (ALAIN AJERO)

1199

Related posts

Leave a Comment