Senior high teachers sisibakin 4.4M JOBLESS PINOY LOLOBO PA

LOLOBO pa ang 4.4 milyong Filipino na walang trabaho dahil nakatakdang sibakin sa trabaho ang mga senior high school teacher dahil sa patuloy na pagpapaliban sa Licensure Examination for Professional Teachers (LEPT).

Ito ikinababahala ni ACT party-list Rep. France Castro kaya umapela na ito sa Department of Education (DepEd) na ikonsidera ang pagpapatupad sa LEPT bilang requirements lalo na’t walang kasiguraduhan kung kailan itutuloy ang nasabing eksaminasyon at nasa gitna pa ng pandemya ang bansa.

Ayon sa mambabatas, libu-libong senior high school teacher ang maaapektuhan sa patakaran ng ahensya na kailangan maipasa ng mga ito ang LEPT upang maging regular sila sa kanilang trabaho, 5 taon pagkatapos silang iempleyo.

Gayunpaman, dahil sa pandemya, tatlong beses na aniyang ipinagpaliban ang LEPT kaya marami sa mga senior high school teacher ang nakatakdang mawalan ng trabaho.

“Hindi pa ata kuntento sa mahigit apat na milyong Pilipino na nawalan ng trabaho ngayong panahon ng pandemya, idadagdag pa ang libong guro sa senior high school dahil sa pag-lapse ng 5 year timeline sa pagkuha ng LEPT dahil sa pag-postpone ng LEPT exam dulot ng pandemya,” ani Castro.

Lumalabas na probationary lamang ang employment status ng karamihan sa mga senior high school teacher at saka lamang mareregular ang mga ito kapag nakapasa na sila sa LEPT.

Hindi lamang ang mga senior high school teacher na nasa ilalim ng DepEd ang nakatakdang alisin sa trabaho kundi maging ang mga katulad nila na nasa mga pribadong paaralan.

Sinabi ng mambabatas na hindi ito makatarungan dahil hindi kasalanan ng mga guro kung hindi sila makakuha ng LEPT dahil ang gobyerno ang nagpaliban sa nasabing eksaminasyon dulot ng pandemya.

3

Bukod dito, kailangang sumunod aniya ang DepEd sa Republic Act (RA) 11469 o Bayanihan to Heal as One Act na nagsasaad na huwag munang ipatupad ang statutory deadline sa paghahain ng mga dokumento dahil sa nararanasang pandemya sa COVID-19. (BERNARD TAGUINOD)

158

Related posts

Leave a Comment