IKINASA ni Senador Win Gatchalian ang pagtanggal ng 100-kilowatt na limitasyon para sa pagpapatayo ng power generation facilities sa ilalim ng tinatawag na net-metering program upang mahikayat ang malalaking kumpanya na mamuhunan sa paggamit ng renewable energy (RE) resources.
Sa kanyang Senate Bill No. 2219, sinabi ni Gatchalian na mas maraming commercial establishments, industrial buildings, at opisina ng gobyerno ang maaaring makinabang kapag tuluyan nang tinanggal ang 100-kilowatt cap sa net-metering program na nasa ilalim ng Republic Act No. 9513 o ang Renewable Energy Act of 2008.
Nakasaad sa RA 9513 ang net metering kung saan ang mga konsyumer ng kuryente ay pinapayagang magtayo ng RE facility sa kanilang nasasakupan hanggang sa kapasidad na 100kW at ang hindi makukunsumong kuryente ay dadalhin sa distribution utility (DU) at kailangang maipasa rin ito sa konsyumer sa pamamagitan ng diskwento sa kanilang electricity bill. Ang mga RE installation na may higit sa 100kW ay hindi maaaring makinabang sa net-metering program sa ilalim ng umiiral na batas.
Hindi lang dadami ani Gatchalian ang mamumuhunan sa paggamit ng RE, makatitipid din sa konsumo ng kuryente ang mga maglalagay ng power generator facilities katulad ng solar panels sa mga bubungan oras na tinanggal na ang 100 kW cap. (ESTONG REYES)
183 