CAYETANO, INILAGLAG NG ADMINISTRASYON AT OPOSISYON

HINDI kasama ang pangalan ni Taguig – Pateros Rep. Alan Peter Cayetano sa listahan ni Pangulong Rodrigo Duterte sa mga pagpipilian ng administrasyon na pambato nito sa pampanguluhang halalan sa Mayo, 2022.

Wala rin si Cayetano sa 1SAMBAYAN, gayong dati siyang talunan sa eleksyon.

Nangangahulugan lamang na inilaglag si Cayetano ng administrasyon at ng oposisyon.

Pokaragat na ‘yan!

Ngunit, nitong nakaraang linggo ay lumabas sa ilang piling pahayagan ang inanunsyo ni Cayetano na sasabak siya sa pampanguluhang halalan.

Handa rin daw siyang makatambal ang sinomang politiko tulad ni Senador Emmanuel “Manny” Pacquiao.

Pokaragat na ‘yan!

Siyempre, kung asawa ni Alan at mga kapatid niya ang tatanungin, kasama ang iyong dating tumakbong konsehal sa Taguig, ngunit natalo, ay gusto nilang magkaroon ng kamag-anak na pangulo ng Republika ng Pilipinas.

Isa sa mga kapatid ni Rep. Cayetano ay si Taguig City Mayor Lino Cayetano.

Si Lino ang pumalit sa asawa ni Alan sa pagka-alkalde ng Taguig na si Maria Laarni “Lani” Cayetano.

Si Lani ay kinatawan ngayon ng ikalawang ­distrito ng Taguig sa Kamara de ­Representantes, samantalang ang dating address niya ay iyong bahay ng mga ­Cayetano sa

Barangay Bagumbayan na bahagi ng Distrito Uno.

Si Alan ang kinatawan ng unang distrito ng Taguig at ng buong Pateros sa Kamara.

Ang kapatid nina Alan at Lino na si Pilar Juliana “Pia” Cayetano ay senadora.

Inililinaw ko lang po upang huwag kayong maguluhan dahil apat na Cayetano ang nakaupo sa iba’t ibang puwesto sa pamahalaan.

Kung ayaw na ni Duterte kay Cayetano at tablado na rin siya sa mga convenor ng 1SAMBAYAN, kaninong pangkat ang sasalihan niya?

Kung ang mga residente ng Taguig at Pateros ang ­tatanungin, palagay ko, hindi solidong boboto ang mga taong ito kay Cayetano kung sakaling tumakbo siyang presidente, o bise – ­presidente sa halalan sa susunod na taon.

Paanong magiging solido, e, noong unang mga buwan ng pag-atake ng coronavirus disease 2019 (COVID-19), ay hindi naman lahat ng mga ­mahihirap na pamilya sa Taguig at Pateros ay nabiyayaan ng ayudang pinansiyal, samantalang apat na Cayetano ang nakaupo sa puwesto.

Kahit nitong nagkahigpitan ng pagkilos ng mga tao sa National Capital Region (NCR), kung saan kabilang ang Taguig at Pateros, at apat pang lalawigan na katabi ng NCR, ay hindi lahat nabigyan ng ayuda.

Tapos, ‘itinatambol’ ni Cayetano sa telebisyon, ang P10,000 ayuda sa bawat pamilyang Filipino.

Sino ngayon ang maniniwala kay Congressman Alan Peter Cayetano?

277

Related posts

Leave a Comment