INAMIN ni Health Secretary Francisco Duque III na bagama’t minamandato ng Inter-Agency Task Force ang paggamit ng face shields ay wala namang katapat na parusa ang hindi pagsunod dito.
Sa pagdinig ng Senate Committee of the Whole, nanindigan si Duque na may scientific basis ang pagpapatupad nila ng paggamit ng face shield.
Subalit tiniyak ng kalihim na kanilang pag-aaralan ang posibleng pagpapahinto na ng paggamit nito.
“Meron pong scientific basis po ito. Ito pong pag-aaral sa India, at dito po sa Pilipinas…Kapag malaki-laki na ang coverage ng bakuna, baka pwede na po nating pag-aralan ang iminumungkahi ng ibang grupo na huwag na gumamit ng face shield pero sa ngayon po kami ay nakikiusap na ipagpatuloy natin dahil ito ay dagdag proteksyon,” diin ni Duque.
Sumagot naman si Senate President Vicente ‘Tito’ Sotto III na “Ngayon pa lang pag-aralan nyo na, huwag nyo na antayin bumuti-buti ang sitwasyon. Submit to us the countries that mandate the face shields.”
Kinatigan din ito ni Senador Nancy Binay at hiniling kay Duque na isumite rin ang pangalan ng mga doktor na nagmamandato ng paggamit ng face shield dahil mayroon anya siyang nakita na ilang doktor ang nagsabi na hinihikayat ang paggamit ng face shield subalit hindi minamandato.
“Kung hindi naman sumunod wala namang penalty,” diin ni Duque.
Sa panig naman ni DILG Secretary Eduardo Ano, ipinaliwanag na ang kanilang minamandato ay ang paggamit ng face mask habang ang face shield ay kinakailangan sa mga public transportation, mall at iba pang private establishment.
“Walking outdoor, face shield is not required,” diin ni Ano. (DANG SAMSON-GARCIA)
