SOBRANG sakit sa kalooban ang pinag-daaraan ng OFW sa Riyadh dahil sa mala-pelikulang pangyayari sa kanyang buhay.
Si James Stroup ay nagtatrabaho sa Consolidated Contractors Company simula noong Nobyembre 5, 2014.
Isa siyang construction worker na nagkaroon ng pagkakataong makakuha ng driver’s license sa Kingdom of Saudi Arabia (KSA).
Noong April 21, 2021, dahil sa pangangailangan sa pera ay nagmaneho siya patungo sa kanyang kaibigan upang mangutang ng pera.
Nakipagtagpo siya sa kanyang kaibigan sa Manila Plaza sa Batah, Riyadh.
Paghinto ng kanyang sasakyan sa isang parking area ay may lumapit sa kanyang sasakyan at biglang sumakay at sabay na dinuraan siya sa mukha.
Dahil sa kabiglaan, sinuntok niya ito at sila’y nagpambuno.
Ngunit, hindi niya namalayan, marami pala itong kasamang kalalakihan at siya’y pinagtulungang bugbugin.
Bugbog sarado hanggang napahandusay na lamang si James sa kalsada bago siya nilubayan ng gulpi ng mga hindi niya nakilalang kalalakihan.
Ngunit, bago pa man daw siya makatayo ay mayroon babaeng sumigaw at sinabing may inipit na droga sa kanyang bulsa.
Doon na lamang niya napagtanto na siya ay nataniman ng droga, kaya napaiyak na lamang siya.
Imbes na sa ospital muna dalhin para ipagamot ang kanyang tinamong bali ng buto sa daliri at sa ribs ay diniretso na siya sa prisinto at sinimulang imbestigahan at pilit na tinatanong sa kanya ang pinagkunan niya ng droga.
Pilit din umano siyang pinapaamin na kanya talaga ang droga at dahil sa takot, napilitan siyang aminin ito para hindi na siya bugbugin at hagupitin ng latigo.
Noong Hunyo 8, 2021, hinatulan siya ng husgado na mabilango ng isang taon.
Masamang-masama ang loob ni James dahil hindi man lamang siya nabigyan ng pagkakataon na maipagtanggol ng abogado.
Bukod pa rito, nabalitaan din ni James na ang kanyang dalawang anak na babae na nasa Pilipinas ay nabiktima ng panggagahasa, o rape.
Doble-doble ang dagok na pinagdaraanang pasakit ni James, kung kaya siya ay nakikiusap sa Department of Foreign Affairs (DFA) na tulungan siya na umapela sa husgado upang siya ay mapawalang-sala.
Maging aral sana ito sa ating mga kabayani sa ibang bansa na maging maingat sa mga lugar at mga tao na kanilang kakaibiganin.
Dapat din na ugaliin na umiwas sa anomang kaguluhan, lalo na ang pakikipag-away.
Alalahanin natin palagi na tayo ay mga dayuhan lamang sa bansa na ating pinagtatrabahuan.
