QUEZONIAN KAWAWA?

DAHIL daw sa ­matamlay, o malamya, na pangangasiwa ng Governor’s Office, o ni Quezon Gov. Danny Suarez sa paglaban sa nakakamatay na ­COVID-19, sa lalawigan?

Kawawa ang mga Quezonian.

Gov., abay mayroon pang panahon upang matugunan n’yo ‘yang pangamba, o reklamo, ng mga ­Quezonian na diumano’y hindi ninyo inaalam ang tunay na estado ng lalawigan at wala, o malamya ang kilos ng Governor’s Office sa kinakaharap nating pandemya?

Sa pinakahuling datos na nakalap ng Pro Hac Vice, eh halos 600 na ang nasawi sa kabuuan, sa lalawigan dahil sa COVID-19, alam po ba ninyo ‘yon?

At ang isa sa pinakamasaklap na mismong nasaksihan ko ay ang kawalan ng mga pasilidad upang matugunan ang mga hinain ng ating mga kababayan na nagkakasakit ng COVID-19 lalo na sa North Quezon.

Kabilang diyan ang island provinces.

Ang Panulukan Quezon sa Pollilio Island na mayroong nga sanang gusali para sa pagamutang ­bayan, pero walang sapat na kagamitan para matugunan ang ating mga kababayan na tinatamaan ng pandemya.

At walang ginagawa ang mga nakadestinong health worker, kundi sabihin sa mga may sakit na itawid na at itakbo ang may sakit sa Lucena City.

At ang pinakamasakit na katotohanan nang dahil doon sa ganoong sitwasyon ay hindi na umaabot ang may sakit sa pagamutan at binabawian na ito ng buhay.

Kaawa-awa talaga ang mga kababayan natin sa North Quezon dahil sa ngayon nga eh wala pa yatang nababakunahan kontra COVID-19 sa Island Municipalities.

Ikaw Gov. ang ama ng lalawigan na inaasahan ng ating mga kababayan, lalo na sa North Quezon.

Mayroon ngang hospital sa Infanta, Quezon, pero kulang kulang ang kagamitan at pasilidad?!

Kapag mayroong tinamaan ng COVID-19 ay kailangan pang itakbo sa Lucena City!!

Ayaw ko sanang maniwala na mahina ang inyong liderato Gov., pero sa mga nasaksihan ko sa mga naturang lugar ay parang ganoon na nga!

Dahil ‘yung pinaka-importanteng pasilidad para sa pangkalusugan ‘yon ang wala sa mga taga-Norte.

Totoo po ba Gov. ­Danny na kayo raw mismo ay nakikitang ‘di sinusunod ang ilang health protocol dahil kayo raw mismo ay nakikita sa publiko na ‘di nagsusuot ng face mask at face shield sa pagharap sa ­ating mga kababayan?

Mismong si Dr. Grace Santiago, head ng Integrated Provincial Health Office (IPHO) ng ­Quezon, ang nagsabi na isa sa mga kadahilanan ng mataas na pagkalat ng COVID-19 sa ating lalawigan ay ang hindi pagsunod ng mga tao sa ­lalawigan sa health protocols tulad ng pagsusuot ng face mask at face shield, kaya nagkakaroon ng hawaan.

Ang masakit niyan, ikaw po Gov. ang ginagawang halimbawa ng karamihan sa Quezon, ano po sinasabi nila doon?

Kung si governor daw nga ay hindi nagfeface mask, kami pa kayang mga ordinaryong magsasaka at mga magniniyog laang?

Abay, paala-ala lang Gov., ikaw ang ama ng lalawigan ng Quezon at ­ginagawang ­modelo ng ating mga kababayan pagkaraka-raka’y ganyan ang iyong ipinapakita sa ating mga kababayan, abay parang ikaw na mismo ang nag-udyok sa mga ­Quezonian na lumabag sa itinatadhana ng health protocol.

Mabuti na lamang at hindi nagpapabaya at kumikilos ang mayor ng Lucena City na si Mayor Roderick Alcala na ­patuloy na pinakikilos ang mahigit 600 niyang ­village marshals kung saan inatasan nito na pagsabihan, o manita ng mga violator sa pinaiiral na health protocols na siyang dapat na pinapa-ngunahan ng Governor’s Office.

100

Related posts

Leave a Comment