Ilegal na nagbebenta EX-MED REP, 3 PA HULI SA P1.8-M ANTI-COVID DRUG

INARESTO ng mga tauhan ng National Bureau of Investigation (NBI) ang tatlo katao, kabilang ang isang dating medical representative, makaraang makumpiskahan ng P1.8 milyong halaga ng Remdesivir sa Quezon City.

Ang mga suspek na kinilalang sina Irish Manaig, Chris Boydon, at Philip Bales ay nadakip pasado alas-10:00 ng umaga nitong Miyerkoles.

Bunsod nito, isasailalim sa imbestigasyon ang dalawang kumpanya na hindi pa pinangalanan na umano’y pinagkunan ng mga suspek ng nasabing gamot laban sa COVID-19.

Bukod sa nakuhang mga Remdesivir na nakatago likurang bahagi ng sasakyan ng mga suspek, ay may nakuha ring dalawang baril kay Boydon.

Nabatid kay Manaig, nakapagbebenta sila ng 500 vials ng Remdesivir kada linggo.

Samantala, sa isa pang operasyon ng NBI, nadakip din ang isang nagngangalang Bernard Tommy Bunyi, umano’y dating medical representative. Depensa nito, nautusan lamang siyang mag-deliver ng nasabing mga gamot sa Timog, Quezon City.

Ang Remdesivir ay antiviral drug na ibinibigay sa ilang pasyente ng COVID-19 sa mga ospital.

Ibinibenta umano ng mga suspek ang gamot sa online sa halagang P4,500 hanggang P5,000 kada vial.

Ayon sa NBI, ang Remdesivir ay hindi commercially available at ang binigyan lamang ng special permit ng Food and Drugs Administration ay ang ilang mga ospital na mag-i-import at gagamit nito.

Sinampahan sa Quezon City Prosecutors Office ng kasong paglabag sa RA 9711 (Food Administration Act of 2009), RA 5921 (Philippine Pharmacy Act) at illegal possession of firearms ang mga suspek. (RENE CRISOSTOMO)

102

Related posts

Leave a Comment