DISMAYADO ako nang todo sa 1SAMBAYAN nang malaman kong alyansa pala ito ng mga bagsak sa sarbey at talunan sa halalan.
Inaabangan ko pa naman ang Hunyo 12 kung saan inanunsiyo ng 1SAMBAYAN ang mga kandidatong ipantatapat sa kandidato ng administrasyon sa halalang mayo 2022.
Ngunit, si Bise – Presidente Maria Leonor “Leni” Robredo numero uno sa listahan ng 1SAMBAYAN.
Si Robredo ay palaging nakapuwesto sa duluhan ng mga politikong tatakbo sa pagkapangulo sa 2022.
Ibig sabihin, bagsak!
Mahinang kandidato si Robredo dahil madalas siyang malapit sa duluhan ng mga sarbey.
Si Senador Chtopher Lawrence “Bong” Go lang yata ang natatalo ni Robredo sa mga sarbey.
Ang siguradong gustong tumakbo sa pagkapangulo ay si dating Senador Antonio “Sonny” Trillanes IV ng Magdalo party – list.
Kaso, hindi ko napansing kasama siya sa mga sarbey.
Kasama ba?
Inanunsiyo rin ang pangalan nina CIBAC party – list Rep. Eduardo “Bro. Eddie” Villanueva.
Si Villanueva ay dalawang beses nang tumakbo sa pagkapangulo ng bansa, ngunit parehong talo.
Sadsad nang husto ang kanyang boto sa eleksyon.
Pokaragat na ‘yan!
Hindi bahagi ng oposisyon si Villanueva, kundi ng mayorya ng mga kongresistang sumuporta sa liderato ni Speaker Lord Allan Jay Velasco sa Kamara de Representantes.
Kaya, ano ang dahilan ng ‘surpresang’ pagkakasama niya sa oposisyon?
Ang sumunod ay si Atty. Jose Manuel “Chel” Diokno.
Unang sali ni Diokno sa halalan noong 2019, ngunit natalo agad.
Pokaragat na ‘yan!
Ang isa pa ay si Batangas Representative Vilma “Ate Vi” Santos – Recto na bahagi ng mayorya ng mga kongresista na hindi lang solido ang suporta kay Velasco, kundi maging kay Pangulong Rodrigo Duterte.
Ano kaya ang nakaakit kay Ate Vi upang banggitin ang kanyang pangalan sa mga posibleng kandidato ng 1SAMBAYAN sa eleksyon?
Bato ni Ding? Darna!
Inilagay uli ng 1SAMBAYAN ang pangalan ni Senadora Mary Grace Poe, ngunit sinabi nitong hindi siya lalahok sa halalang 2022.
Tumakbo na si Poe noong 2016, ngunit isa siya sa tinalo ni Duterte.
Ang tanong ngayon ay: “Paanong matatalo ang administrasyon kung bagsak sa sarbey at talunan sa halalan ang ilalaban ng oposisyon?”
223
