DAPAT bantayan ng national government ang mga proyektong ginagawa ng local government units (LGUs), lalo na sa mga probinsya at tiyakin na matatag ang mga proyekto upang hindi masayang ang buwis natin.
Linawin ko lang, hindi lahat ng LGUs ay magnanakaw, o kinukupitan ang mga proyekto nila na mula sa kanilang Internal Revenue Allotment (IRA) dahil marami naman ang matitino kahit papaano.
Napansin ko kasi na maraming proyekto na gawa ng LGUs sa mga probinsya ang hindi nagtatagal tulad ng concreting, lalo na ‘yung mga inner road na napakadaling masira.
Wala pang isang taon sira na ang semento sa mga inner road, lalo na kapag dinaanan ng malalaking sasakyan, kaya para tayong nagsasayang ng pera ng mga taxpayer, eh puwede namang tatagan ang proyekto para hindi agad masira.
Masyadong malabnaw ang timpla ng semento, kaya hindi na nakapagtataka na madaling mabitak kapag dinaanan ng malaking sasakyan at kapag uulan naman ay natutunaw agad nasisira na.
Kung sasadyain ng LGUs na tatagan ang kanilang proyekto, eh magtatagal kahit papaano.
Kailangan lang huwag kupitan ang pondo ng proyekto para magawa ito, pero kung may komisyon ng kung sinu-sino, talagang lalabnaw ang timpla ng semento at gagawin ng materyales na hindi nararapat.
Ipagpalagay natin na P100,000 ang pondo ng isang maliit na inner road, pero kung 30% hanggang kalahati sa pondong ‘yan ang nakupit, anong aasahan mong tatag ng semento?
Para matatag ang semento ng kalsada, ang timpla dapat ay 1-2-3, o isang semento, 2 box ng crash na bato at 3 box ng buhangin, pero ang karaniwang ginagawa sa mga probinsya ay isang semento at 3 hanggang 5 box ng pinaghalong buhangin na may mga pebbles, talagang walang tatag ‘yan.
Ang ganitong mga proyekto ang hindi pinapansin ng national government, kaya maraming pondo ng bayan na mula sa buwis ng mamamayan ang nasasayang lang at hindi ito natitigil dahil hindi nga pinapansin.
Ang tanging binabantayan ng gobyerno ay ‘yung pondo ng mga malalaking proyekto, pero mas malaki ang nawawala sa kaban ng bayan kapag pinagsama-sama mo ang mga maliliit na proyekto ng LGUs sa buong bansa na kinukupitan.
May mga engineer naman ang LGUs, pero magtataka ka kung bakit hinahayaan nila ang mga ganitong proyekto, kaya pwede silang kasabwat sa ganitong katiwalian.
Hayyyyyyy, hindi na natigil ang katiwalian.
172
