ARESTADO sa mga tauhan ng Special Mayor’s Reaction Team (SMaRT) ng Manila Police District sa bisa ng warrant of arrest ang isang 43-anyos na vlogger na may kasong 3 counts ng libel, sa Baguio City.
Kinilala ang arestadong suspek na si Niño Barzaga, binata, nanunuluyan sa Brgy. Lourdes Ext., Baguio City.
Batay sa ulat ni P/Major Rosalino Ibay Jr., hepe ng MPD-SMaRT, makaraang makatanggap ng impormasyon hinggil sa kinaroroonan ng suspek ay agad silang nagresponde sa nabanggit na lugar at inaresto si Barzaga.
Ang suspek ay nadakip sa bisa ng warrant of arrest na inisyu ni Hon. Trese Wenceslao, presiding judge ng Regional Trial Court, Branch 28 ng Cabanatuan City.
Ayon pa kay Ibay, kasama nila si P/Major Edward Samonte, deputy chief ng SMaRT, ilang tauhan ng DID-MPD, District Special Operation Unit ng MPD at mga tauhan ng Baguio Police Station 3 sa pagdakip sa nasabing suspek.
Si Barzaga ay kinasuhan ng 3 counts ng libel dahil sa umano’y hindi magandang mga sinabi nito hinggil kay Manila Mayor Francisco “Isko Moreno” Domagoso. (RENE CRISOSTOMO)
185 