Palusot na suicide ‘di umubra 2 PULIS SIBAK SA PAGPATAY SA KABARO

OPISYAL nang sibak sa serbisyo ang dalawang pulis na sangkot sa pagpatay sa kanilang kabaro na unang iniulat na nag-suicide sa Quezon City, makaraang pirmahan noong Biyernes ni Philippine National Police (PNP) chief, P/Gen. Guillermo Lorenzo T. Eleazar ang kanilang dismissal order.

Sina Police Corporal Sherwin Rebot at Police Corporal Harold Mendoza ay itinuturong responsable sa pagpatay sa kanilang kasamahang si Police Corporal Higinio Wayan ng Police Security and Protection Group.

Ayon kay P/Gen. Eleazar, guilty sa mga kasong grave misconduct, paglabag sa Presidential Decree 1829 (obstruction of justice), simple irregularity in the performance of duty (loafing), less grave neglect of duty (drinking while on duty) at conduct unbecoming of a police officer si P/Cpl. Rebot.

Gayundin si P/Cpl. Mendoza na guilty rin sa mga kasong less grave neglect of duty (uminom ng alak habang duty), simple irregularity in the performance of duty (loafing) at conduct unbecoming of a police officer.

Ayon kay P/Gen. Eleazar, “Ang pagkakasibak sa serbisyo ng dalawang pulis na ito ay patunay na papanagutin natin ang sinumang pulis na lumabag sa batas”.

Dagdag pa niya, “May this serve as a warning to all police officers that I will not let this kind of incident pass. Dahil lang sa pagsuway sa patakaran na bawal uminom habang naka-duty, humantong ito sa pagpatay ng inyong kabaro”.

Binigyang diin pa ni P/Gen. Eleazar na “Walang puwang sa PNP ang mga utak kriminal”.

Sa inisyal na imbestigasyon, nag-inuman ang tatlong pulis nang kunin umano ni Wayan ang baril ni Rebot at binaril nito ang sarili. Natutulog umano si Mendoza nang mangyari iyon habang nasa palikuran si Rebot.

Lumitaw sa masusing imbestigasyon na hindi nagpaputok ng baril si Wayan batay sa ginawang paraffin test sa kanyang katawan at nagnegatibo ito sa gunpowder nitrate.

Inamin naman ng isang sibilyang akusado sa insidente, ang driver na si Lorenzo Lapay, sa pagpapatuloy ng imbestigasyon, na nagpambuno sina Rebot at Wayan.

Sinampahan din sina Rebot at Mendoza ng mga kasong kriminal. Si Rebot ay sinampahan ng kasong murder at illegal possession of firearms and ammunition, habang si Mendoza naman ay sinampahan ng murder by conspiracy at obstruction of justice. (JESSE KABEL)

 

139

Related posts

Leave a Comment