SUNTOK sa buwan ang mungkahi ni Senate President Vicente Sotto III na limitahan sa isang account ang mga gumagamit ng social media platform tulad ng Facebook.
“It would be hard to implement this without violating data privacy of users,” ani Bayan Muna party-list Rep. Ferdinand Gaite kaugnay ng panukala ni Sotto upang labanan umano ang troll armies.
Ayon sa mambabatas, imbes na pagdiskitahan ang publiko, tutukan dapat aniya ang pagsawata sa troll farms na ginagamit umano sa pag-atake sa demokrasya.
Kailangan aniyang seryosohin ang pagpapatigil sa paggamit sa pondo ng bayan sa troll armies at parusahan ang mga tao ito sa pagpapakalat ng maling impormasyon para lang protektahan ang kanilang mga amo.
“Itong mga troll farms na ito which is being secretly operated and funded through our taxes ang may malinaw na paglabag sa batas kaya’t dapat nang agad sawatain.
Paglulustay ito at ilegal na paggamit sa pondo ng bayan,” ayon pa sa mambabatas.
Ginawa ni Sotto ang nasabing mungkahi matapos isiwalat ni Sen. Panfilo Lacson na may mataas na opisyal ng gobyerno ang nagtatayo ng troll farm sa bawat probinsya sa bansa.
Hindi pinangalanan ang mataas na opisyal subalit may hinala ang Makabayan bloc na mula ito mismo sa loob ng Palasyo ng Malacañang na posibleng gagamitin sa darating na halalan.
Dahil dito, dapat aniyang magkaisa ang Kongreso para mapigilan ang paggamit sa pondo o buwis ng bayan para pagwatak-watakin ang sambayanang Filipino sa pamamagitan ng pag-atake sa mga kritiko ng administrasyon at mailuklok ang kandidatong pinapaboran ng mga ito.
Sa ngayon ay naghain na ang grupo ni Gaite ng resolusyon para imbestigahan ang troll farms na ito na itinayo umano ng government official subalit hanggang ngayon ay walang tugon dito ang Kongreso. (BERNARD TAGUINOD)
173 