INUPAKAN sa social media ang panibagong ‘joke’ ni Pangulong Rodrigo Duterte kaugnay ng nagbabadyang malakas na pagsabog ng Bulkang Taal.
Ayon sa netizens, wala nang natatawa sa joke ng pangulo.
Para naman sa isang militanteng grupo, ang pahayag ni Pangulong Duterte na lagyan na lamang ng tapon (takip) ang bunganga ng Taal Volcano: “It is his brand of insane and callous rule”.
Ayon kay dating Anakpawis party-list Rep. Ariel Casilao, muling minaliit ni Duterte ang banta ng bulkan sa mga taga-Batangas at mga karatig lalawigan tulad ng pagmamaliit niya rito nang una itong sumabog noong 2020.
Magugunita na sinabi ni Duterte na kakainin niya ang ashfall na ibinuga ng bulkan noong Enero 2020 at iihian niya ang bunganga nito, na ayon kay Casilao ay pagmamaliit sa problema.
“‘Kakainin ang ashfall,’ he’ll ‘pee on it,’ cursing the COVID-19 virus, ‘sampalin ang gago,’ are all part of #DutertePalpak rule, bordering to being insane, when everybody in the country is already concerned, as we all know the magnitude of this calamity last year,” ani Casilao.
Hindi aniya ito ang dapat sagot ng pangulo ng bansa sa nakaambang sakuna na nakaamba sa may 200,000 pamilya o katumbas ng 700,000 katao, sa Batangas, Cavite, Laguna, Quezon at iba pang lalawigan.
Kailangan aniyang nakahanda ang gobyerno upang maisalba ang kabuhayan ng mga magsasaka at mangingisda sa paligid ng bulkan lalo na’t nawalan ang mga ito ng P3 bilyong ani noong nakaraang taon bukod sa P1.6 Billion na nasirang palaisdaan.
Gayunpaman, tila ginagawang biro pa umano ni Duterte ang sitwasyon dahil imbes na maghanda ito ay sumagot ito na tatapalan na lamang nito ng tapon (cap) ang bunganga ng bulkan.
“Taken into account this scale of damage Taal volcano explosion could deliver to 0.7 million Filipinos, anyone in his or her right mind would hear Duterte as a madman joking about a distressed situation,” ani Casilao.
Dahil dito, ang tanging pag-asa na lamang umano upang matulungan ang mga maaapektuhan sa muling pag-alburuto ng Taal ay bayanihan na lamang ng mga tao. (BERNARD TAGUINOD)
191
