MASASABING matinding pampanguluhang halalan ang magaganap sa susunod na taon dahil pihadong mayroong tutulong sa sinomang kandidatong tatapatan si Davao City Mayor Sara Duterte – Carpio.
Kung hindi si Sara D. Carpio, siguradong gagawin pa rin ng makakalabang kandidato ni Pangulong Rorigo Duterte ang lahat ng paraan upang matalo nito ang huli sa eleksyon.
Pokaragat na ‘yan!
Kahit sino kina Bise – Presidente Maria Leonor Robredo, Mayor Isko Moreno at Senador Emmanuel Pacquiao ay siguradong susuporta ang mga malalaking negosyante upang matiyak ang panalo ng gusto nilang pangulo na ipapalit kay Duterte.
Walang bago sa suporta ng mga negosyante dahil simula kay Corazon Cojuangco – Aquino hanggang kay Duterte ay ginawa nila ito.
Kabilang ang pamilya Lopez sa mga negosyanteng nagbibigay ng suporta sa napili nitong kandidato laban sa kandidato ng administrasyon.
Sa halalang magaganap sa pagkapangulo ng bansa sa Mayo 2022, napakalakas ng aking paniniwalang aktibong susuporta at kikilos ang pamilya Lopez sa kandidatong maggaganrantiya sa kanila na maibabalik sa ere ang telebisyon at radyo ng ABS – CBN Corporation.
Malaking pera ang nawala sa ABS – CBN mula nang ipinatigil ang operasyon nito.
Kahit na nagpatuloy ang operasyon nito, sa pamamagitan ng online, iba pa rin kung nasa ere ang ABS – CBN dahil walang dudang sobrang laki ng kita nila kada buwan kumpara sa online.
Dahil sa nangyaring pagharang ng isang komite ng Kamara de Representantes sa panibagong 25 – taong prangkisa ng ABS – CBN, lumaki pa nang husto ang kita ng GMA Network at nagkaroon ng oportunidad ang TV 5 na magsimulang magkaroon ng pagkakataong kumita ito, sa wakas.
Kaya, naniniwala akong masusing sinusubaybayan ng pamilya Lopez, partikular ang liderato ng ABS – CBN Corporation ang nagaganap sa politika sa kasalukuyan.
Pokaragat na ‘yan!
Kumbinsido akong kahit malayo pa ang paghahain ng certificates of candidacy (COC) ay pinang-aaralan na ng pamilya Lopez at liderato ng ABS – CBN kung sino sa mga posibleng kandidato sa pagkapangulo ang susuportahan nila laban kay Sara D. Carpio, o sinoman sa kandidato ni Pangulong Duterte.
Kung si Senador Christopher “Bong” Go ang pambato ng administrasyon, o ng Partido Demokratiko Pilipino – Lakas ng Bayan (PDP – Laban), e di mas magaling, sapagkat madaling talunin ang taong ito kahit si Duterte pa ang bise – presidente nito.
Kung ako ang tatanungin, pagpipilian ng pamilya Lopez sina Moreno at Pacquiao dahil maganda ang iskor ng dalawang ito sa mga sarbey.
Hindi problema ang makinarya dahil siguradong magkakaroon ng makinarya ang kandidatong susuportahan ng pamilya Lopez upang masiguradong mayroong mga taong kikilos para sa kanilang kandidato sa lahat ng panig ng bansa, lalo na iyong mga lalawigang mayaman sa boto tulad ng Pangasinan at Cebu.
Kaya, ang pamilya Lopez, o sinomang angkan ng mga oligarko, ay susuporta sa siguradong mananalo sa halalan upang hindi sayang ang perang ilalabas nila.
