KAYA ‘DI UMAASENSO

KARAMIHAN pa rin sa mga lugar sa Pilipinas ay walang asenso, lalo na sa mga ­bayan-bayan, dahil hindi makapasok ang mga negosyante na gustong mamuhunan sa mga ganitong lugar.

Bakit ito nangyayari? Dahil sa kagahaman ng mga pulitiko at ng kanilang pamilya na namumuno sa isang munisipalidad.

Hindi naman siguro lahat, pero marami sa local executives sa mga lugar na ito ang gahaman.

Magmasid kayo sa inyong bayan at magtanong kung sino ang may-ari ng mga ­malalaking negosyo at tiyak na sasabihin sa inyo na pag-aari ni mayor ‘yan, o kaanak ni mayor ‘yan.

Bihira kang makakita ng mga bayan na hindi pag-aari ni mayor, o ng kanyang tatay, kapatid, asawa at anak ang mga negosyo tulad ng gasolinahan na patok na patok dahil sa dami ng sasakyan.

Kaya, kung plano mong magtayo ng gasolinahan sa isang bayan, huwag mong asahang aaprubahan ang aplikasyon mo sa binabalak mong negosyo dahil dadaan ka sa butas ng karayom.

Ang masama, hindi na aaksyunan ang aplikasyon mo at magugulat ka na lang sa lugar na gusto mong tayuan ng gasolinahan, kunwari, ay may itinatayo na malapit sa lupa mo at huwag ka nang magtanong kung sino ang may-ari dahil sasama lang ang loob mo.

Matagal na itong nangyayari na kung sino ang mayor sa isang bayan, uulitin ko hindi lahat ha, pero karamihan… sila ang may-ari ng mga gasolinahan, pero walang pumapansin.

Sa construction companies naman, bihira kang makakita ng dokumento na itong kumpanyang ito na ­laging nananalo sa bidding para sa mga proyekto sa inyong bayan ay nakapangalan kay mayor at iba pang local officials.

Pero, kung magtatanong ka sa mga trabahador kung sino ang may-ari ng kumpanyang iyan, sasabihin nila sa inyo na pag-aari ‘yan ni mayor, o tatay, o kapatid ni mayor.

Hindi biro ang mga proyekto kahit sa isang maliit na ­bayan dahil daan-daang milyon pa rin ang pinag-uusapang halaga na mula sa mga Filipino na nagbabayad ng buwis sa buong bansa.

Ito marahil ang dahilan kung bakit nakikipagpatayan ang mga pulitiko kapag panahon ng eleksyon dahil bukod sa mawawalan sila ng poder ay mawawalan pa sila ng negosyo.

Marahil, ito rin ang pangunahing dahilan kaya kapag natapos na ang tatlong termino ni mayor ay ipapalit niya ang kanyang asawa, o anak para hindi maputol ang kanilang hanapbuhay.

Kung ang mga pulitiko lang ang namumuhunan, talagang hindi magkakaroon ng asenso ang isang bayan dahil limitado ang oportunidad na maibibigay sa mga tao at hindi tataas ang makokolektang buwis.

192

Related posts

Leave a Comment