Syanong Detektib Ni Lucio S. Papa
MALAKING bentahe sa paghahanap ng hustisya ang ebidensya at testimonya ng mga saksi.
Sa kaso ng kontrobersyal na flood control, umaasa ang sambayanan na mapapanagot ang lahat ng kasapakat sa pinakamalaking anomalya sa ating kasaysayan.
Bagamat may mga sinampahan na ng kaso sa sa Sandiganbayan, kapuna-puna na pawang kalaban lang sa pulitika ang isinilid sa selda — sina Jinggoy Estrada, Rodante Marcoleta, Mike Defensor at mga kontratistang ginamit lang naman ng mga buwaya sa Department of Public Works and Highways. (DPWH).
Speaking of buwaya, hindi ba’t malinaw na kontrolado ng kalihim ang mga proyekto ng ahensya — pati ang usapin ng delihensya.
Sino ba ang kalihim ng DPWH mula nang manungkulan sa Palasyo si Dayunyor? Hindi ba’t si Manuel Bonoan? Maski ang Ombudsman ay kumbinsidong malaki ang papel na ginampanan ng dating DPWH secretary sa malawakang katiwalian sa likod ng mga proyekto kontra baha ng naturang kagawaran.
Pero bakit parang tila nagbago ang ihip ng hangin? Mula sa pagiging “prime suspect,” hayagang isinusulong ni Ombudsman Crispin Remulla ang pagkuha kay Bonoan bilang state witness para idiin sina Estrada at at iba pang nasa bakuran ng oposisyon.
Malinaw na nakasaad sa panuntunan ng hudikatura ang mga kwalipikasyon para maikonsiderang state witness ang isang indibidwal — dapat “least guilty.”
Susmaryosep! Least guilty ba si Bonoan? Sa aking abang pananaw, hindi. Bakit kamo? Siya ang may kontrol sa mga proyekto — mula sa bidding hanggang sa implementasyon.
Batay sa mga testimonya ni dating DPWH Undersecretary Robert Bernardo, sa mga pagdinig ng Kamara at Senado, malinaw na si Bonoan ang may kumpas sa flood control projects
Idinetalye pa ni Bernardo ang hatian sa nakulimbat na pera ng dating kalihim.
Pero bakit ipinagpipilitan ni Remulla na gawing state witness? Dahil ba sa kaalyado ng administrasyon si Bonoan? O baka naman may kasunduan na sa pagitan ni Remulla at ng dating kalihim?
Attack dog kontra oposisyon bilang paghahanda sa eleksyon?
157 