DUMULOG sa AKOOFW si Juhardin Sandigan upang manawagan sa gobyerno na siya’y mapauwi na sa Pilipinas mula sa Jordan.
Si Juhardin ay nakarating sa Amman, Jordan kung saan ipinasok siya ng Yazeed Kokash Manpower bilang domestic helper.
Ayon kay Juhardin, gustung-gusto niyang makauwi sa Pilipinas dahil siya ay labis-labis nang nahihirapan.
Dagdag ni Juhardin: “Gusto ko na umuwi, pero ang problema ko wala ako pangbili ng ticket. Nakakulong po ako hihingi po ako ng tulong po sa inyo maraming salamat po sa inyo”.
Ang sumbong na ito ni Juhardin ay agad nating ipinarating sa overseas operation division ng Overseas Workers Welfare Administration (OWWA) para sa mabilisang aksyon ng welfare officer sa Jordan.
Katulad nang inaasahan, mabilis itong inaksyonan at inaasahan natin ang magandang resulta sa pakikipag-ugnayan sa employer at sa foreign recruitment agency ni Juhardin.
Samantala, ipinarating sa akin ng kapwa ko volunteer advocate na si Espie Miranda ang pagsusumamo ng isang nanay na si Lilia Cadiz para maaksyonan at matulungan ang anak niyang OFW.
Ayon sa sumbong ni Lilia, ang kanyang anak na si Lilicar Cadiz Miguel ay kasalukuyang nagtatrabaho sa Dammam, Saudi Arabia.
Siya ay nakarating sa nasabing bansa, sa pamamagitan ng MMG Manpower Agency.
Sabi ni Lilia: “Gusto ko po na pauwiin siya kasi mag-apat na buwan wala na kami alam kung nasaan na ang anak ko wala na po komunikasyon nag-alala na po kami lalo na ang mga anak niya. Ang alam po namin kinulong siya ng kanya amo dahil pinagseselosan siya ng kanya babaeng amo. Gusto po namin pauwin siya sa lalong madaling panahon dito sa Pilipinas, maraming salamat po”.
Ang sumbong at pakiusap na ito ni Lilia ay ipinarating ng AKOOFW sa OWWA welfare officer sa Al Khobar, Saudi Arabia at inaasahan natin na makatatangap tayo ng bagong impormasyon sa tunay na kalagayan ni Lilicar.
Halos araw-araw ay higit sa isangdaang sumbong at paghingi ng tulong ang ating natatangap.
Karamihan dito ay paghingi ng tulong upang makauwi sila sa Pilipinas dahil tapos na ang kanilang kontrata.
Kapansin-pansin na maraming mga employer na sadyang pinipigilan ang pag-uwi ng kanilang kasambahay dahil sa pangamba na wala silang makukuhang kapalit dahil sa mahigpit na patakaran at malaking gastusin dahil sa pinapairal na health protocols sa ibang bansa.
Gayunpaman, ang AKOOFW ay patuloy na kikilos para matulungan ang ating mga kabayani na makauwi sa Pilipinas at makapiling ang kanilang pamilya.
233 