BORDER CONTROL PAIGTINGIN LABAN SA BAGONG COVID-19 VARIANT

NANINDIGAN si Senator Christopher Lawrence “Bong” Go na mas dapat paigtingin ang border control upang mapigilan ang pagkalat ng mga bagong variant ng COVID-19.

Ayon kay Go, dapat habaan pa ng mga kababayan lalo na ang mga biyahero, ang kanilang pasensiya at sumunod sa mga itinakdang protocols ng pamahalaan.

Sinabi ni Go na kung ano ang sinabi ng IATF na bilang ng araw ng quarantine, dapat sundin dahil iniiwasan lang ng pamahalaan na bumagsak ang healthcare ng bansa.

Binigyang diin ni Go na kapag nangyari ito, mas mahihirapan ang mahihirap dahil sila ang pinakaapektado sa magsasarang negosyo.
Kaugnay nito, nilinaw ni Go na walang special treatment, dapat sumunod sa quarantine protocols.

Dagdag pa ni Go na binabalanse ng pamahalaan ang kalusugan at ekonomiya ng publiko pero mas mahalaga pa rin ang buhay.

Giit pa ni Go, konting tiis pa dahil ginagawa naman ng pamahalaan ang lahat para malampasan ng sambayanan ang krisis na dulot ng COVID-19 pandemic.

Samantala, inihayag din ni Go na dapat ipagpatuloy ang pagpapairal ng health protocol habang hindi pa naaabot ang herd immunity.

Tugon ito ni Go sa pahayag ng World Health Organization na hindi pa maituturing na low risk sa COVID-19 ang Pilipinas.

Sinabi ni Go na ayon sa pananaw ng ilang health experts, marami ang naging kampante noong dumating ang unang batch ng mga bakuna kaya nagkaroon ng bagong lockdown.

Nanawagan din si Go na sa kabila ng pagkakaantala sa pagdating ng mga bakuna, dapat mas bilisan pa ang vaccine rollout.

Muli namang nanawagan si Go sa mga kababayan na nakakuha na ng unang dose na huwag kakaligtaan ang ikalawang dose ng bakuna para masiguro ang proteksyon ng mga ito laban sa nakamamatay na COVID-19. (ESTONG REYES)

328

Related posts

Leave a Comment