HINDI raw dadami ang gumagamit ng rugby, o ‘rugby boys’, sa Barangay Bangkal sa Malolos City sa Bulacan kung hindi nagpabaya ang mga opisyal ng Philippine National Police (PNP), local government unit (LGU) at barangay sa lugar na ito.
Pumutok ang balitang dumami ang rugby boys sa Brgy. Bangkal nitong mga nakaraang linggo.
Makikita sa ilang lansa-ngan ang mga batang may dala-dalang plastic na rugby ang nakalagay na kanilang sinisinghot hanggang maubos.
Ang rugby ay isang uri ng chemical na ginagamit pandikit ng sapatos at iba pang bagay na ang epekto sa tao ay nakaka-adik hanggang matuyuan ang utak ng gumagamit nito.
Bawal bumili ang mga bata ng rugby dahil posibleng abusuhin nila ito.
Ang ipinagtataka ng mga residente sa Brgy. Bangkal ay kung bakit nagkakaroon ang kabataan ng rugby.
Duda nila, may mga nakatatanda na bumibili nito na nire-repack at ibinibenta sa kabataang gumagamit nito.
Imposibleng hindi napapansin ng mga opisyal ng Brgy. Bangkal ang mga batang sumisinghot ng rugby, samantalang makikita sila sa ilang kalye ng barangay.
Imposible ring hindi ito nakikita ng mga pulis at mga opisyal ng pamahalaang lokal ng Malolos.
Hindi naman kaya nagbulag-bulagan lang kayo, o ayaw n’yo lang pansinin ang mga ito?
Panahon pa ngayon ng COVID – 19, kaya limitado pa ang paglabas ng mga tao, lalo na ang mga menor de edad.
Kaya, hindi naniniwala ang PUNA na hindi niyo napapansin ang mga batang sumisinghot ng rugby.
Paging PNP – Bulacan Provincial Director Col. Lawrence Cajipe sir, baka natutulog sa pansitan ang mga pulis mo sa Brgy. Bangkal, pakihagupit mo sila nang magising.
Kawawa ang mga batang ito, alam n’yo namang wala silang kinabukasan sa ilegal na droga.
Panawagan din kay Malolos City Mayor Gilbert “Bebong” Gatchalian sir, kawawa ang rugby boys sa Brgy. Bangkal.
Tinagurian pa man din kayong “lugar ng mga Bayani”, paanong magiging bayani sila kung nalululong sila sa bawal na gamot?
Kung hindi kayo kikilos, ilang taon pa ay posibleng mas matinding droga ang gagamitin ng mga nasabing bata.
Kaya, magiging problema sila ng Malolos City pagdating ng panahon.
Dapat ipatawag ang kanilang mga magulang at kailangang mahuli rin ang nagsusuplay sa kanila ng rugby.
Responsabilidad n’yo ang mga residente sa inyong nasasakupan, kaya dapat ‘wag kayong magbulagbulagan at magkunwaring walang nagra-rugby sa inyong lugar.
Hindi ninyo sila maitatago dahil nasa tabi-tabi lang sila at nakikita ng mga dumadaan sa lugar ang mga batang may dala-dalang plastic na rugby ang laman.
Bago maging pangulo si Mayor Rodrigo Duterte, sinasabi ng local government units na “free illegal drugs” sa kani-kanilang mga nasasakupan.
Kaya pala sinabing free illegal drugs, kasi sa dami ng mga tulak sa kanilang nasasakupan ay parang libre nang nakabibili ang mga parokyano ng ipinagbabawal na droga.
Parang bumibili na lang ng kendi ang gustong gumamit ng illegal drugs.
Nang maging pangulo si Duterte, nabunyag na napakalala ng drug trafficking sa bansa.
Huwag n’yo nang antayin pa na kayo ang mabiktima ng mga drug addict na ‘yan.
Hindi lalala ang ilegal na droga sa inyong nasasakupan kung hindi kayo pabaya sa inyong mga trabaho.
Imposibleng hindi kumalat ang illegal drugs sa inyong mga lugar kung alam ng mga supplier at tulak na hindi n’yo sila tinitigilan.
oOo
Para sa suhestiyon at reaksyon, mag-email: joel2amongo@yahoo.com o: magtext sa cel# 0919-259-59-07.
310 