(RENE CRISOSTOMO)
IBINUNYAG kahapon ng Department of Health (DOH) na nakatanggap ito ng ulat na may mga bakuna laban sa COVID-19 na dinala umano sa bahay ng isang politiko sa lalawigan ng Samar.
Gayunman, hindi pinangalanan ng DOH ang sinasabing politiko dahil bineberipika pa umano nila ang ulat.
Ayon kay Health Undersecretary Maria Rosario Vergeire, wala pang isinusumiteng ulat sa DOH ang local health authorities sa Northern Samar hinggil sa nasabing reklamo.
“We are trying to verify these reports. Hindi ko pa po masabi kung ito ay totoo o hindi. Kailangan pa rin po namin ma-receive ang official report so that we can act on it,” ani Vergeire, sa isang pulong balitaan.
Sa kabila naman nito, nanawagan si Vergeire sa mga lokal na opisyal na makipagtulungan sa national government sa vaccine rollout.
“Iwasan po nating magkaroon ng ganitong pagkakataon dahil nawawalan po ng tiwala ang ating mga kababayan kapag may ganitong mga reports,” dugtong pa nito.
Kaugnay nito, iimbestigahan ng National Bureau of Investigation (NBI) ang mga ilegal na bentahan ng bakuna laban sa COVID-19 kabilang na ang sinasabing paglilipat sa bahay ng isang politiko ng alokasyong bakuna para sa lalawigan ng Samar.
Ayon kay Justice Sec. Menardo Guevarra, may basbas na siya sa NBI para imbestigahan ang mga bentahan o iligal na pagtuturok ng COVID-19 vaccines sa ilang lugar.
Samantala, bineberipika na rin ng DOH ang pahayag ng regional health authorities sa Central Visayas na nakararanas sila ngayon ng ikatlong wave ng COVID-19 infections.
Ayon kay Vergeire, batay sa datos ang Region 7 ay nakapagtala ng two-week case growth rate na -7% at ang average daily attack rate (ADAR) naman nito ay nasa 4.5 cases per 100,000 population.
Kung titingnan aniya ang naturang datos ay mababa pa ito at hindi nila maaaring ikonsidera bilang ‘high-risk’ sa ngayon.
162 