CUSI ‘INUTIL’ SA OIL PRICE HIKES

TALUNAN ang sambayanang Filipino kay Department of Energy (DOE) Secretary Alfonso Cusi dahil wala itong magawa para maproteksyunan ang mamamayan sa patuloy na pagtaas ng presyo ng langis sa bansa.

Ito ang pahayag ni House deputy speaker Carlos Zarate matapos muling magpatupad ng oil price increase ang mga kumpanya ng langis kahapon na ika-9 sunod na linggo na.

“Mula umpisa ng taon, P11.85 na ang net increase sa kada litro ng gasolina, P10.20 sa diesel, at P8.71 sa kerosene, pero wala pa ring ginagawa ang DOE para mapababa ito maski rekomendasyon man lang,” ani Zarate.

Kung ano aniya ang ingay ni Cusi pagdating sa pulitika partikular na ang hidwaan nila sa loob ng partidong PDP-Laban ay siyang tahimik nito sa isyung nagpapahirap sa mga consumer.

“Ang nangyayari sa DOE ay taga-announce na lang ng oil price hikes pero kahit rekomendasyon kung paano mapapababa ang presyo nito at maging sa kuryente ay wala tayong naririnig,” ayon pa sa kongresista.

Dahil dito, hinamon ng mambabatas ang Kalihim na magsalita kung anong aksyon nito sa hindi maawat na pagtaas ng presyo ng langis sa bansa.

“The weekly burden of oil price hikes is a defeatist and anti-consumer,” dagdag pa ng mambabatas.

Sa kasagsagan ng pagnipis ng supply ng kuryente noong Mayo at Hunyo, umapela ang mambabatas sa kalihim na mag-resign kung mas binibigyan niya ng panahon ang pulitika kaysa kanyang trabaho.

Sinabi ng mambabatas na hindi dapat ipaubaya sa mga kumpanya ng langis ang pag-aangkat ng supply sa halip, ang gobyerno aniya ang dapat gumawa nito upang hindi madiktahan ang presyo sa lokal na merkado. (BERNARD TAGUINOD)

190

Related posts

Leave a Comment