ARESTADO sa mga operatiba ng Holy Spirit Police Station (PS-14) ang limang robbery suspects sa follow-up operation na nagresulta sa pagkakakumpiska sa umano’y shabu, mga baril at mga bala sa Brgy. Pasong Tamo, Quezon City noong Martes.
Kinilala ni P/Lt. Col. Jeffrey Bilaro, station Commander ng PS-14, ang mga suspek na sina Lourence Laurel, 29; Gueller Canlas, 25; Rey Terga, 35; Myla Ecal, 23l, at Richard Sillar, 30-anyos.
Ayon sa ulat, dakong alas-5:00 ng umaga noong Hulyo 19, 2021, isang robbery incident ang nangyari sa Andrew St., Metro Heights Subd., Brgy. Culiat, Quezon City kung saan ang biktima ay agad nag-report sa police station.
Sa pamamagitan ng CCTV footage ay natukoy ang mga suspek na nagresulta sa pagkakadakip sa mga ito dakong alas-11:30 ng gabi noong Hulyo 20, 2021 sa 17 Lukban St., Area 9, Brgy. Pasong Tamo, Quezon City.
Ayon sa record ng pulisya, si Laurel ay may dati nang kaso ng robbery habang sina Canlas, Sillar, at Ecal ay may dati na ring mga kaso sa illegal drugs.
Nakumpiska mula sa mga suspek ang limang sachets ng umano’y shabu na tinatayang P34,000 ang halaga, dalawang caliber .38 pistols, dalawang caliber .45 replica, tatlong .38 live ammunition, at isang motorsiklo.
Ang mga suspek ay sinampahan ng kasong paglabag sa RA 9165 o Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002 at RA 10591 o Comprehensive Law on Firearms and Ammunition Act. (JOEL O. AMONGO)
178 