ARESTADO ang isang dropout student sa kursong criminology makaraang makita sa CCTV ang pagholdap nito sa isang ginang na natangayan ng P100,000 cash at isang cellphone sa Tondo, Manila, iniulat ng pulisya nitong Miyerkoles.
Ayon kay P/Lt. Rowell Robles, Block commander ng Manila Police District-Don Bosco Police Community Precinct, binitbit nila ang suspek na kinilalang si JV Jimenez makaraang makita sa CCTV ang pagholdap nito sa isang ginang sa Tondo, Manila noong Biyernes.
Pahayag ng biktimang tumangging magpapabanggit ng pangalan, idedeposito sana niya ang nasabing halaga nang bigla siyang holdapin ng suspek.
Sa pamamagitan ng CCTV ay natunton ang kinaroroonan ng suspek kaya agad na isinagawa ang follow-up operation na nagresulta sa pagkakadakip sa suspek na nakumpiskahan ng pen gun.
Nabawi mula sa suspek ang cellphone ngunit hindi na narekober ang nakulimbat na pera. (RENE CRISOSTOMO)
