ISA na namang kasapi ng media ang nilikida ng hindi pa kilalang mga suspek sa pamamagitan ng dalawang beses na pagbaril sa biktima sa harapan ng kanilang radio station sa Barangay Mambaling, sa lungsod ng Cebu.
Kinilala ni Police Maj. Dindo Alaras, hepe ng Mambaling Police Station, ang biktimang si Rey Cortes, radio commentator ng himpilang DYRB at naging reporter din ng Bombo Radyo Cebu at ikinasal kay Kit Matus Cortes, news director ng radio station DYSS sa Cebu.
Kasalukuyang inaalam pa ang pagkakakilanlan ng dalawang suspek na umano’y nag-abang kay Cortes sa labas ng kanilang radio station matapos ang programa sa radio ng biktima.
Base sa nakalap na impormasyon ng mga awtoridad, pasakay ang biktima sa kanyang sasakyan nang lapitan at kaladkarin ng dalawang lalaki saka binaril ng dalawang beses sa dibdib.
Nagawa pang maitakbo sa pagamutan ang biktima ngunit idineklarang dead on arrival ng attending physician.
Nabatid na minsan na ring binaril si Cortes ngunit naka-survive ito at ayon sa mga pulis hanggang sa kasalukuyan ay may mga pagbabanta pa rin itong natatanggap.
“Our investigation showed that he also received a lot of threats,” ani Alaras.
Pangunahing motibo na tinututukan ng Cebu City Police Office ang trabaho ni Cortes bilang commentator at personal na away ang anggulo sa pamamaslang.
Nabatid na kinasuhan na ring minsan at nakulong sandali ang biktima dahil sa kasong libelo ngunit nakalaya ito. (JESSE KABEL)
120
