PASYENTE NAG-SUICIDE SA MANILA HOSPITAL

BUNSOD ng depresyon dahil wala umanong bantay at wala ring dumadalaw, nagpakamatay ang isang 59-anyos na pasyente sa pamamagitan ng pagtalon mula sa ika-4 na palapag ng Sta. Ana Hospital, iniulat ng pulisya nitong Huwebes.

Hindi na naisalba nina Dr. Avelino Nebrija at Dra. Donna Gabriel ang buhay ng biktimang kinilalang si Rafael Reglo y Suclayan, barangay kagawad sa Brgy. 587, Zone 98, at residente ng Cuadal Canal St., Sta. Mesa Manila.

Base sa ulat ni Det. Rodolfo Acosta ng Manila Police District-Homicide Section, bandang alas-5:50 ng hapon noong nakaraang Martes nang mangyari ang insidente sa naturang ospital.

Ayon sa report ng pulisya, iniulat ng isang Marvin Delos Reyes, 34, security guard ng nasabing ospital, ang naturang insidente.

Napag-alaman, habang naka-duty si Delos Reyes sa parking area ng pagamutan nang makarinig ito ng malakas na kalabog at pagkaraan ay natagpuan niya ang nakahandusay na katawan ng biktima sa hallway ng ground floor.

Dali-dali itong humingi ng saklolo sa iba pang security guard at dinala ang biktima sa Emergency Room ng ospital ngunit hindi na naisalba ng mga doktor ang buhay ng biktima.

Nauna rito, isang Angela Regio, pamangkin ng biktima, ang nagdala sa ospital kay Reglo dakong alas-10:00 ng gabi noong Hulyo 19.

Nadiagnose na may pneumonia ang biktima kaya na-confine sa room 405 ng pagamutan.

Gayunman, hindi na umano nagpakita si Regio kaya walang bantay ang biktima at wala ring dumadalaw.

Ito ang hinihinalang dahilan ng depresyon ng biktima kaya nagpasyang magpakamatay.

Ayon sa pulisya, posibleng inakala ng mga kamag-anak na nahawa sa COVID-19 ang biktima kaya hindi dinalaw ng mga ito sa pagamutan. (RENE CRISOSTOMO)

183

Related posts

Leave a Comment