NAKAPASOK si rower Cris Nievarez sa quarterfinals ng men’s single sculls na ginaganap sa Sea Forest Waterway.
Magandang simula ito para sa 20-anyos na tubong Atimonan, Quezon para sa kanyang unang pagsabak sa Olympics.
Sinusulat ito ay hindi pa nagsisimula ang q’finals race ng 2019 Southeast Asian Games gold medalist na si Nievarez, na makikipag-unahan ng pagsagwan kina 2016 Rio Olympic silver medalist Damir Martin ng Croatia, Privel Hinkati ng Benin, Felix Potoy ng Nicaragua at Alexander Vyazovkin ng Russia.
TAEKWONDO JIN BARBOSA
SABAK AGAD SA WORLD NO. 1
MATINDING pagsubok ang haharapin ng first time Olympian na si taekwondo jin Kurt Bryan Barbosa na agad mapapasabak sa world No. 1 na si Jun Jang ng Korea.
Ang 22-anyos na pride ng Bangued, Abra at ranked No. 16 ay makikipagsipaan sa men’s -58kg Round of 16 ngayong bago mag-alas onse ng umaga sa Makuhari Messe Hall.
Bagama’t unang beses din lalaban sa Olympics si Jang, hindi matatawaran ang tagumpay niya sa international tourney nang maka-gold medal sa 2018 Asian at 2019 World Championships.
Taong 2018 lang siya naging miyembro ng Korea National Team ngunit agad niyang nakamit ang Male Athlete of the Year Award noong 2019 World Taekwondo
Gala Awards sa Moscow, Russian Federation. Siya rin ang Most Valuable Player para sa men’s event ng 2019 World Championships na ginanap sa Manchester, England.
Kung matatalo si Barbosa kay Jang ay may pagkakataon pa ang Pinoy jin sa repechage para sa tansong medalya.
Si Barbosa ay gold medalist sa 2021 Asian Taekwondo OQT sa Tashkent, Uzbekistan at 2019 Asian Open at Southeast Asian Games.
GYMNAST YULO PALABAN
KAHIT MAY INJURY
WALANG mababago sa plano ni gymnast Carlos Yulo at kanyang Japanese coach na si Munehiro Kugimiya sa pagsabak ng una sa qualifiers ng anim na medal events ng Men’s Artistic Gymnastics (MAG) sa Ariake Gymnastics Center ngayong umaga.
Tiniyak ni Kugimiya na handa si Yulo na sumabak sa floor exercise, vault, pommel horse, rings, horizontal bar at parallel bars para sa minimithing ginto sa Olympics.
Hindi naman maalis ni Gymnastics Association of the Philippines (GAP) president Cynthia Carrion na mag-alala kay Yulo, na kamakailan ay nagtamo ng injury sa kanang baywang habang nag-eensayo.
Si Yulo ay World champion at 2019 gold medalist sa floor exercise. (ANN ENCARNACION)
244 