ARESTADO ang isang Korean national na wanted sa South Korea dahil pagkakasangkot umano sa isang “no show” scam sa kanilang bansa.
Sa isinagawang pulong-balitaan, sinabi ni CIDG-NCR chief, Col. John Guiagui, isang joint operation ang ikinasa ng Criminal Investigation and Detection Group, Bureau of Immigration, Department of Justice at Korean National Police Agency noong Hunyo 28.
Hindi nakapalag sa mga awtoridad nang arestuhin sa Angeles, Pampanga ang suspek na kinilalang si Park Junhyeon, 44-anyos, may Interpol Red Notice at nasa watchlist order bilang isang undesirable alien.
Modus umano nito ang magpanggap na lehitimong negosyante at mag-alok ng mga produkto sa target nitong indibidwal.
Nabatid sa ulat, pitong Korean nationals ang nabiktima sa 24 na magkakahiwalay na transaksyon. Matapos umanong makuha ang kanilang pera, bigla na lamang itong naglalaho
Nakuha sa mga biktima ang tinatayang 200 million Korean won o katumbas ng halos P8 milyong piso.
Napag-alam na nasa bansa ang dayuhan at tinangkang magpa-renew ng kanyang immigration documents sa pamamagitan ng kanyang kaibigan noong Hunyo
Nang beripikahin ng Bureau of Immigration ang kanyang record, natuklasang may Interpol Red Notice ito dahilan upang agad ikasa ang manhunt operation.
Sinabi ni Guiagui, patuloy pa ring isinasagawa ng dayuhan ang kanyang panloloko habang nagtatago sa Pilipinas.
Kasalukuyang nasa kustodiya ng BI ang dayuhan habang isinasagawa ang deportation proceedings at iba pang kaukulang legal na proseso.
(TOTO NABAJA)
86 