BATAS LABAN SA NIHILISTIC VIOLENT EXTREMISM HIRIT SA KONGRESO

UMAPELA ang Department of Justice (DOJ) sa Kongreso na gawing prayoridad ang pagpasa ng isang hiwalay na batas laban sa nihilistic violent extremism kasunod ng madugong pamamaril sa Tacloban City na ikinasawi ng tatlong estudyante at ikinasugat ng mahigit 20 iba pa.

Ayon kay Justice Undersecretary Nicholas Felix Ty, bagama’t maaaring gamitin ang mga umiiral na batas sa pag-iimbestiga sa kaso, mas magiging epektibo kung may isang komprehensibo at partikular na batas na nakatuon sa ganitong uri ng krimen.

“Dapat, sa tingin namin, ma-prioritize ito. Bagama’t magagawan natin ng paraan ngayon na gamitin ang iba’t ibang batas para imbestigahan ang kasong ito, mas maganda talaga kung may isang batas na buo at partikular para sa problemang ito ang gagamitin natin,” ani Ty.

Sinabi niyang maaari itong maging katulad ng mga umiiral na batas laban sa terorismo, online sexual abuse or exploitation of children (OSAEC), at human trafficking.

Bukod sa pagpaparusa sa mga responsable, iginiit ni Ty na dapat ding isama sa panukalang batas ang mas matibay na proteksyon sa mga bata, pinalakas na international cooperation, at iba pang hakbang upang mapigilan ang paglaganap ng marahas na ekstremismo.

Binigyang-diin din niya na hindi sapat ang aksyon ng iisang ahensya lamang.

“Ang ganitong problema, hindi masosolusyunan ng law enforcement, o ng social welfare, o ng education. Dapat whole-of-government approach, if not whole-of-nation approach,” dagdag ni Ty.

Samantala, sisimulan na ng DOJ ang preliminary investigation sa mga kasong isinampa laban sa 15-anyos na estudyanteng itinuturong responsable sa pamamaril sa isang paaralan sa Tacloban City.

Ayon kay DOJ Undersecretary Ian Norman E. Dato, natapos na ang inquest proceedings kaya sasailalim na sa regular na preliminary investigation ang kaso ng child in conflict with the law (CICL).

“Following the inquest proceedings, CICL Rod will now undergo the regular preliminary investigation process. He remains deprived of liberty at the Regional Rehabilitation Center for Youth in Region VIII,” ani Dato.

Nahaharap ang menor de edad sa tatlong bilang ng murder at dalawang bilang ng attempted murder kaugnay ng madugong insidente.

Samantala, ang 14-anyos na isa ring sangkot sa pamamaril ay nananatili sa pangangalaga ng Department of Social Welfare and Development (DSWD), kung saan sumasailalim ito sa intervention programs ng ahensya.

Matatandaang tatlong estudyante ang nasawi habang mahigit 20 iba pa ang nasugatan sa pamamaril sa loob ng San Jose National High School sa Tacloban City.

(JULIET PACOT)

83

Related posts

Leave a Comment